Segundo

Posted: November 6, 2016 in Maikling Kuwento
Tags: , , , ,

Isang segundo lang naman ang kailangan para idilat ang mga mata. Pero para bilangin kung ilang saglit ba ang kakainin para isipin ang lahat ng problema na naipon ngayong araw, tiyak na kulang na kulang ang isang segundo.

At dumarating talaga ang mga pagkakataon na sana’y huwag muna dumating ang segundo na iyon. Tumagal sana ang pag-ikot ng oras, at huwag muna magising sa dampi ng sinag ng araw. At kung magising — magdasal; pero hindi para sa solusyon, kundi para sa himala.

* * *

Dalawang segundo para bumangon sa kama.

Ang unang mambubulabog sa mahimbing na pagtulog ay ang sirena mula sa aking cellphone. Ang unang tanong sa umaga: dismiss o snooze? Snooze sana, kahit limang minuto lang; ang kaso, kailangan ko na mag-gayak upang pumasok sa mahal kong unibersidad, at kumuha ng espesyal na pagsusulit. Marami na kasi akong atraso sa Physics teacher namin na si Mr. Alfonso. Bukod kasi sa wala akong prelims exam, wala rin akong midterms sa kanya. Gusto ko man i-drop, hindi naman puwede. Nasa probation list kasi ako. Kapag sinabing “probation”, sa amin, limitado lamang ang units na maaari mong kuhain, wala kang karapatang magkaroon ng singko, at hindi puwede mag-drop ng mga alanganing asignatura, dahil kapag minalas, matik — kick out ka. Sa madaling salita, do or die ang araw na ito.

Aminado naman ako, kasalanan ko kung bakit ako naghahabol ngayon. Madalas ang pagliban ko sa klase ni Mr. Alfonso. Pagkatapos kasi ng aking part-time job sa isang sikat na fast food chain, hindi na kinakaya ng aking katawan ang matinding pagod, at natataon lagi ang pagod na iyon sa araw ng kanyang pagtuturo. Alam ko na hindi dahilan ang pagod para hindi ko siya pasukan. Pinili ko ang magtrabaho habang nag-aaral kaya’t kailangan ko saluhin ang lahat ng antok at pagkalupaypay bilang mag-aaral.

Pero sino ba naman ang hindi tatamarin sa isang kupal na propesor?

Kung pakupalan lang naman ang pag-uusapan, si Mr. Alfonso na yata ang namumukod-tangi sa lahat ng kupal na guro sa buong kalawakan. Sa unang tingin, e ’kala mo ay isang lalaking walang kabahid-bahid ng kasamaan sa katawan. Maputi si Sir, may katangkaran, at singkit ang mga mata. Ipagpalagay na nasa kwarenta lamang ang kanyang edad, kahit sinasakop na ng mga uban ang kanyang makintab na buhok na babad sa pamada. Payat pero malaki ang tiyan — halatang manginginom. Siguradong lapitin ng chicks noong kabataan . . . kung hindi niya lang ipaaamoy ang masangsang niyang ugali.

Tatlong segundo lang ang kinailangan ko para ibulong sa sarili na ayaw ko kay Mr. Alfonso. Korni siya mag-joke; mga sipsip lang ang tumatawa. Kapag nagkukuwento siya ng hindi naman related sa lesson, bukambibig niya ay “Believe me, naranasan ko na ’yan.” Dapat siya palagi ang bida sa istorya. Bukod sa presko niyang pag-asta, wala pa siyang konsiderasyon sa kanyang mga estudyante, mapalalaki man o babae. Isang minutong late, hindi ka na maaaring pumasok sa kanyang klase (kaya dapat pareho ang oras ng cellphone mo sa oras ng kanyang relo). Lahat ng quizzes, dapat umabot sa kalahati ang score, dahil kung bitin, hindi niya ire-record: gagawin niyang confetti o di kaya ay pamunas ng blackboard. Napaka-resourceful. Ang pinakaayaw ko pa sa parte ng kanyang leksyon ay ang pagtatanong niya ng “Any question, guys?” tuwing end of discussion. Ano naman ang isasagot namin, e ang blackboard lang naman ang nakaririnig ng husky niyang boses. Mas nagiging kainis-inis ang lahat ng iyon kapag sumasabay ang sarkastiko niyang ngiti, at ang mga tingin niyang akala mo e laging nanghuhusga mula ulo hanggang paa.

Subalit ang hindi ko talaga malilimutan sa lahat ng kakupalan niya ay ang isinagot niya sa akin noong araw na personal akong lumapit upang magpaalam na matatagalan ang pagliban ko sa kanyang klase, sa kadahilanang pumanaw ang aking ama: “Hindi valid reason ’yan, boy. Ang dami mong absent sa ’kin, paalala ko lang. Noong namatay ang nanay ko, kinabukasan, pumasok ako agad sa trabaho. Kaya pasensiyahan na lang tayo.” Pakyu Sir, sa isip-isip ko nang sandaling iyon. Naubos na ang kakaunting respeto ko na natitira para sa kanya. Hindi ako bayolente, pero noong segundong iyon, gusto ko siyang sapakin, sipain, sikuhin, isako, kung hindi ko lang naalala ang nanay ko. Hindi ako magpapatanggal sa unibersidad nang maaga para lang sa isang kupal na katulad niya. Hindi ako pumasok sa kabila ng kanyang pagbabanta. Mas pipiliin kong malaglag dahil sa pagluluksa sa kamatayan ng aking ama, kaysa manlimos sa isang kupal ng kaunting pag-unawa.

Halos dalawang linggo na nang mamatay si Papsi dahil sa sakit na diabetes. Matigas kasi ang ulo. Binaliwala ang nararamdaman at nagpatuloy pa rin sa pagkonsumo ng mga pagkaing mayaman sa asukal. “Minsan lang naman, e,” bukambibig niya tuwing may okasyon. Ayun, nadali pagkatapos mismo ng kaarawan niya. Lahat ng ipinagbabawal ay pinilit tikman. Hindi niya naunawaan na ang tanging matamis na maaari niya lamang ikonsumo ay ang pagmamahal ni Mamsi.

Hindi ako iiyak, sabi ko noong araw na ’yon. Subalit nang makita ang malamig niyang bangkay, at napagtantong hindi ko na muling maririnig ang malalim niyang tinig, nangilid ang luha sa aking mga mata. At ang mga pigil na hikbi ay dahan-dahang naging mahinang mga ungol . . . hanggang sa nakabibinging hagulgol.

Ang hirap pala mamamatayan, ano? Iyon na yata ang pinakamasaklap na araw sa loob ng dalawang dekada na pag-iral ko sa mundo. Tuwing ako’y tumatangis, tanging mga hagod na lamang ni Mamsi sa aking likod ang nagpapalakas ng aking loob, at bahagyang pumapawi sa bigat ng aking pasanin. Isang beses ko lamang nakita ang aking nanay na lumuha sa harapan ng kabaong ni Papsi, pero hindi mabilang sa daliri ang mga segundo na naririnig ko siyang umiiyak mag-isa sa loob ng kanyang kuwarto. Nagpapakatatag siya para sa akin. Nagpapanggap siyang malakas, kahit sa loob-loob niya’y unti-unti na siyang gumuguho.

Nailibing na si Papsi kahapon. At heto ako ngayon, mukhang malilibing naman sa gitna ng EDSA, ang pinakamalaking parking lot sa Maynila. Nagtatalo na naman ang busina ng mga sasakyan at ang boses ng mga barker na nakakalat sa bawat kanto ng pedestrian lane. Nakasimangot na naman ang mga martir na suki ng LRT dahil sa mahabang linya na daig pa ang pila ng bigas tuwing state of calamity. Isa’t kalahating oras lamang ang kadalasang biyahe ko mula sa bahay hanggang sa unibersidad, pero kapag ganitong araw ng Biyernes, lalo na kapag sumama pa ang matinding buhos ng ulan, mas mainam na panoorin mo muna ang sequels ng Harry Potter para hindi ka mabagot sa mabigat na trapiko at magkaroon ng katuturan ang pagkangalay ng iyong likod sa upuan ng bus. Halos dalawang oras na akong stranded. Kahit ano talagang pagsisikap ang gawin mo, sa mga ganitong sitwasyon, itinitigil talaga ng trapiko ang lahat ng pag-asenso. Tama sana ang aking desisyon na lumiban muna sa trabaho kahit hindi ako pinayagan ng aking bisor. Hindi ko nga alam kung may trabaho pa ba akong babalikan. Basta ang alam ko, hindi ako puwedeng ma-late ngayon sa special exam na magdidikta ng kapalaran ng aking pag-aaral. Paano ako nagkaroon ng special exam kung sinuway ko si Alfonso? Dahil iyon kay Mica.

Si Mica, kaklase ko, ang paboritong estudyante ni Mr. Alfonso . . .  at kasintahan ko sa loob ng mahigit dalawang taon. Hindi na ngayon. Isang linggo ng lamay ni Papsi, umiiyak siya sa aking mga bisig, hindi dahil sa nakaratay kong ama, kundi dahil sa pakikipaghiwalay ko sa kanya. Ang dalawang taon na pagsasama, tinapos ko lamang sa loob ng dalawang segundo, tinapos ko lamang sa pagbigkas ng dalawang salita — ayoko na. Humingi siya ng dahilan kung bakit, ngunit wala ako naibigay maliban sa “Basta. Ayoko na.”

Pero ayaw ko na ba talaga? O nadala lang ako ng sunud-sunod na unos at problema? Lutang na lutang ako noong araw na iyon, ewan ko ba. Bukod sa pagkawala ng mahal ko sa buhay, at namimiligro kong pag-aaral, hindi ko pa alam kung saan kami kukuha ni Mamsi ng pambayad sa burol. Nawalan ako ng gana sa lahat ng bagay . . . pati sa kanya . . . pansamantala. Naisip kong napababayaan ko na siya, at wala na akong maibigay kundi pulos pasakit at problema. Minabuti kong hiwalayan siya, at napagtanto ko ngayon na iyon ang pinakamaling desisyon ko sa buhay. Bakit kung kailan kailangan na kailangan ko ng kalinga at suporta, ng pagmamahal, tsaka ko siya binitiwan . . . hiniwalayan. Mali. Maling-mali. Tanga. Tangang-tanga. Lalo ko lang pinatunayan sa kanya, at sa sarili ko na hindi ako karapat-dapat sa isang tulad n’ya. Pero kailan nga ba ako naging karapat-dapat sa kanya? Sa kanyang kalinga? Sa kanyang suporta? Sa kanyang pagmamahal? Sa kanyang kagandahan? Simula no’n, ’di ko na siya muling nasilayan.

Kahit hiwalay na kami, si Mica ang nagbukas ng huling pagkakataon para isalba ko ang namimiligro kong pag-aaral. Pasikreto niyang ginawa ’yon. Tumawag sa akin si Mr. Alfonso kahapon at binigkas ang mga pangungusap na unang nagbigay ng tuwa matapos ang ilang linggo kong pagdadalamhati: “Pumasok ka bukas. Same rules. Huwag kang mali-late. Pasalamat ka, boy, at may girlfriend kang matiyagang nakiusap para sa ’yo.” Apat na segundo akong nakangiti n’yon.

Bumaba na ako sa bus. Wala na kasing pag-usad na nagaganap, parang Pilipinas. Trenta-minuto na lamang ang natitira at bibitayin na ako ni Alfonso. Tinakbo ko ang natitirang mga kanto patungo sa susunod na sakayan. Hakbang, tingin sa relo, hakbang, tingin sa relo, hakbang, punas sa noo. Wala na akong pakielam kung maligo ako sa magkahalong lagkit ng pawis at patak ng ulan. Ang mahalaga, umabot ako sa aking paglilitis.

Labing-limang minuto ang nalalabi. Pinilit kong isiksik ang aking puwit sa natitirang espasyo sa upuan ng dyip, mabilis na kinuha ang wallet, at nagbayad ng saktong barya sa pamasahe upang hindi na ma-hassle sa paghihintay ng sukli. Kuyakoy, tingin sa relo, kuyakoy, tingin sa relo, kuyakoy, punas sa noo. Malamig ang mga butil ng pawis sa aking noo. At bawat pagtulo ng butil, nagdarasal ako sa lahat ng kilala kong santo. Masama ang tingin sa akin ni manang, katapat ko sa dyip. Nagtataka marahil kung bakit hindi ako mapakali. Sa kanyang mga titig, parang gusto niya ako tanungin ng “Toy, natatae ka na, ano?”

Pagbaba sa dyip, bumalik na naman ako sa fun-run marathon. Abot ko na ang pag-asa. Abot ko na ang pangarap. Tanaw ko na ang campus gate. Tanaw ko na si Manong Guard. Basang-basa na ang aking T-shirt. Pulos putik na ang aking pantalon. Amoy alimuom na ako. Huling sulyap sa relo . . .  mayroon pang tatlong minuto — sapat upang bumago ng buhay.

Pagpasok sa gate . . .

“Saglit,” sita ni Manong Guard. “I.D mo, Sir?”

Anak ng tipaklong sa Africa! Biglang nag-flash sa utak ko ’yung plantsado kong polo, nakasampay sa aparador . . . kasama ang nakabitin kong I.D.

“A, e kuya, naiwan ko sa bahay, e.” natataranta kong sagot.

“Ay Sir, hindi puwede, e. Wash day tayo ngayon, e. Paano ko malalaman kung estudyante ka rito?”

“May notebook naman ako dito, Kuya.”

“Hindi pa rin puwede, Sir. Malay ko ba kung sa ’yo talaga ’yan.”

Seryoso? Ngayon pa talaga ako natapat sa mahigpit na guard? Sumulyap ako muli sa aking relo. Isang minuto. Kung tatakbuhin ko ang kabilang gate, hindi na ako aabot.

“Kuya, sige na. May special exam ako ngayon. Baka pwede naman—”

“Sorry talaga, Sir. Sumusunod lang tayo sa protocol.”

At nasa protocol niyo rin ba mawalan ng puso? Ilang beses ko pa ulit sinubok makiusap, hanggang sa ayaw na niya ako pansinin. Hindi na ako nagbalak makipagtalo pa. Umalis ako. Tumingala sa langit. Marami ako gustong itanong — o isumbat — subalit ang naibulong ko lamang ay “Bakit?”

Nawala na ang pag-asa. Parang lumalakas ang lahat ng tunog sa aking paligid. Parang lahat ay naririnig ko nang maiigi: ang patak ng ambon, ang mabilis kong pulso, ang pagtulo ng malalamig na butil ng pawis mula sa aking noo. Muling sulyap sa relo . . . isa . . . dalawa . . . tatlo . . . apat . . . lima. Tapos na ang paglilitis. Tapos na ako. Walang himalang nangyari.

Paano ko sasabihin kay Mamsi na hindi na estudyante ang anak niya? Paano ko sasabihin sa bisor ko na kailangan ko pa ng trabaho? Paano ko sasabihin kay Mica na kailangan ko siya ngayon, higit kanino man? Sa dami kong nais sabihin, may makikinig pa kaya?

Sana buhay pa si Papsi. Sana hindi ko iniwan si Mica. Sana pumasok na lang ako sa trabaho. Sana. Pero wala na akong tatay. Wala na akong nobya. Wala na yata akong trabaho. At ngayon, wala na rin ako sa unibersidad.

Kumidlat, at maya-maya, ang ambon ay muling naging malakas na ulan. Nagyelo ang mundo. Naging manhid ang pakiramdam. Ang tanging mainit lamang ay ang luha na nangingilid sa aking mga mata. Salamat sa ulan, at itinatago niya ang bawat patak, ang pag-iyak, ang lahat ng kahinaan. Walang makapapansin sa gumuguho kong mundo.

At dumilim ang paligid. Patuloy pa rin ang pagbagsak ng ulan, ngunit hindi na ako nababasa. Mula kasi sa kawalan, may payong na biglang sumilong sa akin.

“Gusto mo bang magkasakit?” tanong ng may-ari ng payong.

Napangiti ako. Na-miss ko ang malambing niyang tinig. Na-miss ko ang kanyang pag-aalaga. Na-miss ko si Mica. Mahal ko si Mica. Mahal na mahal. Agad ko siyang niyakap, at kahit ayaw kong umiyak, ibinuhos ko lahat, isinabay ko sa ulan.

“O bakit? Anong problema?” tanong niya na parang wala akong kasalanan sa kanya, na parang hindi ko siya iniwan, na parang tinanggap niya ako muli sa kanyang buhay nang walang pag-aalinlangan.

Kahit nahihiya, tumingin ako sa kanyang mga mata. “Sorry. Hindi ako umabot sa test. Sayang effort mo.”

At napahalakhak siya. Matamis ang tawa. Nakapagtataka. “Baliw ka! Wala si Sir Alfonso. Hindi nakapasok kasi may trangkaso.” Patuloy ang kanyang pagtawa.

At ako, sa isang iglap, muling nabuhayan ng loob, mistulang natanggalan ng tinik sa lalamunan, muling napuno ng pag-asa. Akalain mo ’yon. Tinanong ko ang langit kanina; sinagot Niya ako sa paraang hindi ko inaakala.

Silong-silong ng payong, hinalikan ko sa noo si Mica, at pagkatapos ay mahigpit ko siyang niyakap, sa gitna ng malakas na ulan. Tumingala muli ako sa langit, at bumulong ng “Salamat sa himala.”

* * *

Isang segundo para humiga sa kama.

Isang segundo rin lamang ang kailangan para ipikit ang mga mata. Sa pagtulog, baunin ang lahat ng magagandang ala-ala patungo sa panaginip, at matuto sa mga hindi magandang nangyari sa maghapon.

Binigyan Niya tayo ng 86,400 segundo sa araw-araw. Ilan ang binigay natin para magpasalamat?

Araw-araw tayong nahihimbing ng anim hanggang walong oras sa ating higaan, at sa bawat segundong iyon, ang ating mga katawan ay bukas sa panganib at walang kalaban-laban. Hindi ba’t isa nang himala ang pagmulat pa lang ng ating mga mata sa bawat pagsapit ng panibagong umaga? Kaya’t huwag nating kalimutan na magpasalamat sa Kanya. Huwag tayong magdalawang-isip sa kanyang probidensiya.

Dahil ang bawat segundo ay isang himala.

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s