Dambana (Pag-ibig)
Naghihintay ang palamuti at mga bulaklak
Puno ang paligid ng samyo ng mga rosas
Walang mapagsidlan ang tuwa at galak
Hindi ako mapakali sa pagbagal ng oras.
Matagal kong pinangarap ang araw na ito —
Ang pagtalima sa pangarap na makulay
Magbitiw ng sinumpaang pangako:
Ika’y pangangalagaan, iibigin habambuhay.
At sa iyo ngang pagpasok sa pintuan ng simbahan,
nahiya ultimo bulaklak sa iyong kagandahan
Nagpupugay, kahit mga ibon ay umaawit
Tunay nga, ika’y diyosa ng purong pag-ibig
At ako — hindi maipaliwanag ang damdamin
Yumayapos ang kaba, patuloy na nananalangin.
Panandaliang tumigil ang pagtibok ng puso
Mistulang huminto ang pag-ikot ng mundo
Pinagpala ang kariktan ng iyong paggalaw
Suot ang trahe de boda at puting belo.
Sanay na ako sa walang kaparis mong kagandahan
Subalit iba talaga ang sandaling ito
Ano ba ang aking ginawa upang ako’y pagpalain,
bigyan ng Panginoon ng sobra sa ’king dalangin?
Sa iyong paglapit, ako’y natunaw sa iyong ngiti;
Ngiting hindi matutumbasan ng kahit anong regalo
Kinamayan ko ang iyong ama, at nagsimula ang sandali
na malapit mo nang angkinin ang aking apelyido.
Ang iyong ina, hindi napigil ang naipong luha
Sinira ng pag-iyak ang kolorete sa kanyang mukha
Huling halik, huling yakap sa kanyang unica iha
bago ka niya ipaubaya sa akin, oh aking sinta.
Napabuntong-hininga ako ng malalim
nang hawakan ko ang malambot mong kamay.
Sabay tayong humarap sa pari at altar,
sa presensya ng probidensya at Maykapal
Nakinig sa sermon at sa singit na dasal
Naghihintay ng basbas sa sagradong kasal.
Lumapit ang nakaaaliw na tsikiting,
bitbit-bitbit ang basket ng dalawang singsing
Kumikinang ang bato sa gitna ng pirasong pilak
na ’di magtatagal ay sa mga daliri natin ilalagak.
Binigkas natin ang sagradong panata:
Tinatanggap kita bilang aking kabiyak
Sasamahan kita sa hirap at ginhawa,
sa lahat ng pagtawa at iyong pag-iyak;
Hanggang sa abutin ng magpakailanman . . .
Hanggang paghiwalayin tayo ng kamatayan.
Ang mga sumunod ay pagtatapos ng banal na seremonya
Idineklara tayo ng pari, ng Diyos, bilang iisa
“Ngayo’y maaari mo nang halikan ang iyong asawa.”
Pinuno ang simbahan ng sigawan ng madla.
Tinanggal ko ang belong nakatakip sa maamo mong mukha
Tinitigan kita sa mata at bumulong ng “Mahal kita.”
At hindi ko na pinatagal ang paglalapat ng ating mga labi
Marubdob ang bawat segundo ng magiliw na halik.
Sumabay ang hiyawan sa dagundong ng kampana
Ang piyano at kantores ay patuloy na nanghaharana
Silang lahat ay saksi sa ating pag-iisang dibdib —
sa simula ng panibagong yugto ng ating buhay.
At mamayang gabi ay bubuuin ang katuparan
Maghahalo ang pawis at init ng ating laman
Magsasalo sa langit ng kaligayahan
Mangangarap para sa ating kinabukasan.
At aalalahanin ang araw na ’to sa ’ting pagtanda
Hindi maaalis sa sulok ng isipan at gunita.
Pangarap na Anghel (Pananampalataya)
Limang taong pagsamama ang
atin nang nabuno. At unti-unti,
nawawala ang ngiti sa
ating mga labi.
“Huwag ho tayo mawalan ng
pag-asa, Misis,” payo ng doktor.
Hindi na mabilang sa daliri ang
paulit-ulit niyang pangungusap.
Walang nagawa ang aking asawa
kundi maghintay muli ng tamang
panahon. At ako, nagpapakatatag
upang sa pagkabigo ay makaahon.
Dalangin lang naman namin
ay isang supling. Iyon lamang
ang tanging hiling.
Akala ko’y ayos lang ang
lahat, basta’t kami ay
magkasama. Ano nga naman ba
kung hindi kami magkaroon
ng tagapagmana — ng aming
kayamanan, ng aming dugo,
ng aming buhay? Okay na siguro
iyon para hindi maabala — sa
pagpapalit ng lampin, sa
pagpapasuso ng bata, sa walang
katapusang pag-aalaga. Basta,
ang importante, magkasama kami.
Mawala na ang lahat, huwag lang
ang babaeng iniharap sa dambana.
Subalit hindi pala sapat. Hindi
pala mainam na kami lamang ang
haharap sa mundo.
Sa pagnanais na magkaroon ng
buhay sa loob ng tiyan, hindi na
naging sapat ang pagtawag
kay Hesukristo.
Nagpataas siya ng matres sa manghihilot;
nagpatawas sa kilalang albularyo;
nakisali sa sayawan sa Obando;
humawak sa kamay ng gintong Buddha;
at lumuhod papalapit sa Ave Maria.
At lumipas ang panahon, nagbago
ang aming pagsasama . . .
nang hindi namin namamalayan.
Pilit na lamang ang mga siping sa bawat
gabi — walang laob, walang pagliyab.
Nagigising siyang pula ang mga mata;
basa ng luha ang malalambot na punda.
Habang ako nama’y naghahanap ng
libangan t’wing nabibigo. Pinupuno
ang sahig ng mga upos ng sigarilyo.
Kumakalansing ang mga tansan
mula sa mga bote ng serbesa.
Madalang na ang mga salita tuwing
hapunan, kahit wala namang naganap
na pag-aaway o tampuhan. Natatapos
na lamang ang pagkain sa pag-inom
ng tubig, nakatulala sa lumamig
nang kanin.
Saan na napunta ang masasayang
ala-ala? Nakabinbin ang
mga pangako sa isa’t isa.
Hindi ko na yata muling
maririnig ang nakaaaliw
niyang tawa. Nakatatakot na
baka dumating ang araw na
hindi ko na siya makilala.
Ang laging tanong sa Diyos —
ano ba ang kasalanan at hindi
kami biyayaan ng anghel?
Oo at sagana kami sa salapi,
na madalas naman naming
ipamahagi. Ngunit ano ang silbi
kung natutunaw naman ang
aming mga ngiti, at mas marami
na ang sandaling nakararanas
ng kirot at hapdi?
Ano pa ang silbi ng aming
pag-iral kung hindi naman
makaaambag sa susunod na
henerasyon?
Ano pa ang silbi ng
kinabukasan kung sa
kamatayan ay lilimutin
din naman ng kahapon?
Patuloy pa rin akong
magtitiwala sa inyo,
Panginoon. Patuloy
pa rin akong aasa
at maghihintay . . .
sa pangarap na anghel,
sa isang bagong buhay.
Sugo (Pag-asa)
I.
At tuluyan nang nagyelo ang bawat gabi
Hindi ko na kilala ang aking katabi.
Marahil hindi ko na rin kilala
ang aking sarili.
Ang mga tampuhan ay naging mga sigawan,
Ang mga sisihan ay nauuwi sa sakitan.
II.
Dumalas ang pagliliwaliw. Tumatakas
sa reyalidad, nagpapakasasa sa
mahika ng serbesa. Sige lang
sa paggala, muling nagbuhay-binata.
Ang tahanang dati’y pinananabikan,
turing na ngayo’y impiyerno na
ayaw uwian.
Ayos lang. Wala naman yata
naghihintay sa ‘king pagbabalik.
Hindi na nagkakasabay sa hapag-kainan
Ang pagtama ng mga mata’y pilit iniiwasan.
Ang relasyong noo’y aming iniingatan
Ngayo’y kinakain ng anay ng pagkukulang
Parang puno na malapit nang mamatay
Walang dilig, walang ulang hinihintay.
III.
Isang gabi’y binulaga ng sandaling
pinangangambahan, ngunit matagal ko nang
inaasahan. Sa ’king pag-uwi, ako’y
biglang kinutuban. Himala kasi, malalim
na ang gabi, siya ay akin pang naabutan.
Nagtama ang paningin, at mangiyak-ngiyak
niyang sinabi sa ’kin — “Ayoko na.”
Saglit tumigil ang aking paghinga
Tama ba ang narinig ng aking mga tainga?
“Hindi ko na kaya,” dagdag pa niya.
Lalong naipit ang mga salita. Nawala
ang tama ng alak na nakakulob
sa utak. Nagising ang natutulog
na ulirat. Nabuang ang pagkabalisa.
Nais kong sumigaw: Hindi ako papayag!
Nagsimulang bumalik ang takot ng
isang paglisan: ang pakiramdam ng
iwanan sa kawalan. Wala pa rin pala
nagbago sa aking pag-ibig. Nakalimutan
ko lang kung paano magmahal. Takot
pa rin ako na mawala siya. Mahal na
mahal ko pa rin ang aking asawa.
IV.
Naisip ko na idaan sa dahas;
Hindi. Mas mainam ang
magpakumbaba.
Pinilit ang yakap sa kanyang bisig
At pagkatapos ay humingi ng tawad
Nagpupumiglas sa malulumanay kong hawak
Gustong makawala sa pagsusumamo’t dahak.
“Hindi na mauulit,” pagmamakaawa ko.
Paulit-ulit — kahit nagmumuka nang gago.
V.
Nang ’di pa rin magpapigil ay
sinunggaban ko ng halik.
Sa una’y nanlaban, kalauna’y
nanahimik. Sa bawat paghihiwalay
ng mga labi ay aking ipinapaalala,
ibinubulong ang mga pangako, lahat
ng pagsinta: ang unang pagkikita,
ang araw na naging magkakilala,
ang panata sa dambana, ang pangarap
na pamilya.
Muli naming naramdaman ang pag-asa.
“Magsimula tayo ulit,” dalisay
kong pakiusap. Ang sagot niya
lamang ay mataos na ngiti. At
ang pagtugon ay ang muling
paglalapat ng aming mga labi.
Sa mahabang panahon, muli ay
aming naranasan. Ang sumiping
sa ilalim ng purong pagmamahalan.
Ang pag-angkin sa isa’t isa nang
walang pag-aalinlangan. Ang
pagsasalo sa langit ng kaligayahan.
Sa isang iglap, natupok ang lahat
ng pasakit. Lumisan ang pabigat
na hinanakit. Nasaid ang pag-iral
ng sakit.
Nilamon ng init ang
sama ng loob.
At nagpatuloy nga ang pagliyab ng bawat gabi
Kilala ko na muli ang aking katabi.
Marahil ay nagbalik na rin ang aking sarili . . .
VI.
Gumising ako sa isang paglalambing.
“Mahal, may dumating sa ating regalo.”
Napakunot ang aking noo.
Hindi ko maintindihan kung bakit
siya lumuluha. At saka ko lamang
naunawaan nang buksan niya ang
kanyang palad, tangan-tangan
ang puting instrumento . . .
na may dalawang guhit na
siguradong sa buhay namin
ay bubuo at magbabago:
ang sugo na sagot sa aming
dasal; ang pangarap na anghel
na hinintay ng kaytagal.
Ang dalawang guhit ng pag-asa.
Ako ang pinakamasayang tatay
ng sandaling iyon.