Pagkapit sa Pagsinta

Posted: November 6, 2016 in Makata-kuno
Tags: , , , , , , ,

Dambana  (Pag-ibig)

 

Naghihintay ang palamuti at mga bulaklak

Puno ang paligid ng samyo ng mga rosas

Walang mapagsidlan ang tuwa at galak

Hindi ako mapakali sa pagbagal ng oras.

 

Matagal kong pinangarap ang araw na ito —

Ang pagtalima sa pangarap na makulay

Magbitiw ng sinumpaang pangako:

Ika’y pangangalagaan, iibigin habambuhay.

 

At sa iyo ngang pagpasok sa pintuan ng simbahan,

nahiya ultimo bulaklak sa iyong kagandahan

Nagpupugay, kahit mga ibon ay umaawit

Tunay nga, ika’y diyosa ng purong pag-ibig

 

At ako — hindi maipaliwanag ang damdamin

Yumayapos ang kaba, patuloy na nananalangin.

 

Panandaliang tumigil ang pagtibok ng puso

Mistulang huminto ang pag-ikot ng mundo

Pinagpala ang kariktan ng iyong paggalaw

Suot ang trahe de boda at puting belo.

 

Sanay na ako sa walang kaparis mong kagandahan

Subalit iba talaga ang sandaling ito

Ano ba ang aking ginawa upang ako’y pagpalain,

bigyan ng Panginoon ng sobra sa ’king dalangin?

 

Sa iyong paglapit, ako’y natunaw sa iyong ngiti;

Ngiting hindi matutumbasan ng kahit anong regalo

Kinamayan ko ang iyong ama, at nagsimula ang sandali

na malapit mo nang angkinin ang aking apelyido.

 

Ang iyong ina, hindi napigil ang naipong luha

Sinira ng pag-iyak ang kolorete sa kanyang mukha

Huling halik, huling yakap sa kanyang unica iha

bago ka niya ipaubaya sa akin, oh aking sinta.

 

Napabuntong-hininga ako ng malalim

nang hawakan ko ang malambot mong kamay.

 

Sabay tayong humarap sa pari at altar,

sa presensya ng probidensya at Maykapal

Nakinig sa sermon at sa singit na dasal

Naghihintay ng basbas sa sagradong kasal.

 

Lumapit ang nakaaaliw na tsikiting,

bitbit-bitbit ang basket ng dalawang singsing

Kumikinang ang bato sa gitna ng pirasong pilak

na ’di magtatagal ay sa mga daliri natin ilalagak.

 

Binigkas natin ang sagradong panata:

Tinatanggap kita bilang aking kabiyak

Sasamahan kita sa hirap at ginhawa,

sa lahat ng pagtawa at iyong pag-iyak;

 

Hanggang sa abutin ng magpakailanman . . .

Hanggang paghiwalayin tayo ng kamatayan.

 

Ang mga sumunod ay pagtatapos ng banal na seremonya

Idineklara tayo ng pari, ng Diyos, bilang iisa

“Ngayo’y maaari mo nang halikan ang iyong asawa.”

Pinuno ang simbahan ng sigawan ng madla.

 

Tinanggal ko ang belong nakatakip sa maamo mong mukha

Tinitigan kita sa mata at bumulong ng “Mahal kita.”

At hindi ko na pinatagal ang paglalapat ng ating mga labi

Marubdob ang bawat segundo ng magiliw na halik.

 

Sumabay ang hiyawan sa dagundong ng kampana

Ang piyano at kantores ay patuloy na nanghaharana

Silang lahat ay saksi sa ating pag-iisang dibdib —

sa simula ng panibagong yugto ng ating buhay.

 

At mamayang gabi ay bubuuin ang katuparan

Maghahalo ang pawis at init ng ating laman

Magsasalo sa langit ng kaligayahan

Mangangarap para sa ating kinabukasan.

 

At aalalahanin ang araw na ’to sa ’ting pagtanda

Hindi maaalis sa sulok ng isipan at gunita.

 

 

Pangarap na Anghel  (Pananampalataya)

 

Limang taong pagsamama ang

atin nang nabuno. At unti-unti,

nawawala ang ngiti sa

ating mga labi.

 

“Huwag ho tayo mawalan ng

pag-asa, Misis,” payo ng doktor.

Hindi na mabilang sa daliri ang

paulit-ulit niyang pangungusap.

Walang nagawa ang aking asawa

kundi maghintay muli ng tamang

panahon. At ako, nagpapakatatag

upang sa pagkabigo ay makaahon.

Dalangin lang naman namin

ay isang supling. Iyon lamang

ang tanging hiling.

 

 

Akala ko’y ayos lang ang

lahat, basta’t kami ay

magkasama. Ano nga naman ba

kung hindi kami magkaroon

ng tagapagmana — ng aming

kayamanan, ng aming dugo,

ng aming buhay? Okay na siguro

iyon para hindi maabala — sa

pagpapalit ng lampin, sa

pagpapasuso ng bata, sa walang

katapusang pag-aalaga. Basta,

ang importante, magkasama kami.

Mawala na ang lahat, huwag lang

ang babaeng iniharap sa dambana.

Subalit hindi pala sapat. Hindi

pala mainam na kami lamang ang

haharap sa mundo.

 

Sa pagnanais na magkaroon ng

buhay sa loob ng tiyan, hindi na

naging sapat ang pagtawag

kay Hesukristo.

 

Nagpataas siya ng matres sa manghihilot;

nagpatawas sa kilalang albularyo;

nakisali sa sayawan sa Obando;

humawak sa kamay ng gintong Buddha;

at lumuhod papalapit sa Ave Maria.

 

At lumipas ang panahon, nagbago

ang aming pagsasama . . .

nang hindi namin namamalayan.

 

Pilit na lamang ang mga siping sa bawat

gabi — walang laob, walang pagliyab.

Nagigising siyang pula ang mga mata;

basa ng luha ang malalambot na punda.

Habang ako nama’y naghahanap ng

libangan t’wing nabibigo. Pinupuno

ang sahig ng mga upos ng sigarilyo.

Kumakalansing ang mga tansan

mula sa mga bote ng serbesa.

Madalang na ang mga salita tuwing

hapunan, kahit wala namang naganap

na pag-aaway o tampuhan. Natatapos

na lamang ang pagkain sa pag-inom

ng tubig, nakatulala sa lumamig

nang kanin.

 

Saan na napunta ang masasayang

ala-ala? Nakabinbin ang

mga pangako sa isa’t isa.

Hindi ko na yata muling

maririnig ang nakaaaliw

niyang tawa. Nakatatakot na

baka dumating ang araw na

hindi ko na siya makilala.

 

Ang laging tanong sa Diyos —

ano ba ang kasalanan at hindi

kami biyayaan ng anghel?

Oo at sagana kami sa salapi,

na madalas naman naming

ipamahagi. Ngunit ano ang silbi

kung natutunaw naman ang

aming mga ngiti, at mas marami

na ang sandaling nakararanas

ng kirot at hapdi?

 

Ano pa ang silbi ng aming

pag-iral kung hindi naman

makaaambag sa susunod na

henerasyon?

 

Ano pa ang silbi ng

kinabukasan kung sa

kamatayan ay lilimutin

din naman ng kahapon?

 

Patuloy pa rin akong

magtitiwala sa inyo,

Panginoon. Patuloy

pa rin akong aasa

at maghihintay . . .

sa pangarap na anghel,

sa isang bagong buhay.

 

 

Sugo  (Pag-asa)

I.

 At tuluyan nang nagyelo ang bawat gabi

Hindi ko na kilala ang aking katabi.

 

Marahil hindi ko na rin kilala

ang aking sarili.

 

Ang mga tampuhan ay naging mga sigawan,

Ang mga sisihan ay nauuwi sa sakitan.

 

II.

Dumalas ang pagliliwaliw. Tumatakas

sa reyalidad, nagpapakasasa sa

mahika ng serbesa. Sige lang

sa paggala, muling nagbuhay-binata.

Ang tahanang dati’y pinananabikan,

turing na ngayo’y impiyerno na

ayaw uwian.

 

Ayos lang. Wala naman yata

naghihintay sa ‘king pagbabalik.

 

Hindi na nagkakasabay sa hapag-kainan

Ang pagtama ng mga mata’y pilit iniiwasan.

 

Ang relasyong noo’y aming iniingatan

Ngayo’y kinakain ng anay ng pagkukulang

Parang puno na malapit nang mamatay

Walang dilig, walang ulang hinihintay.

 

III.

Isang gabi’y binulaga ng sandaling

pinangangambahan, ngunit matagal ko nang

inaasahan. Sa ’king pag-uwi, ako’y

biglang kinutuban. Himala kasi, malalim

na ang gabi, siya ay akin pang naabutan.

Nagtama ang paningin, at mangiyak-ngiyak

niyang sinabi sa ’kin — “Ayoko na.”

 

Saglit tumigil ang aking paghinga

Tama ba ang narinig ng aking mga tainga?

 

“Hindi ko na kaya,” dagdag pa niya.

Lalong naipit ang mga salita. Nawala

ang tama ng alak na nakakulob

sa utak. Nagising ang natutulog

na ulirat. Nabuang ang pagkabalisa.

Nais kong sumigaw: Hindi ako papayag!

 

Nagsimulang bumalik ang takot ng

isang paglisan: ang pakiramdam ng

iwanan sa kawalan. Wala pa rin pala

nagbago sa aking pag-ibig. Nakalimutan

ko lang kung paano magmahal. Takot

pa rin ako na mawala siya. Mahal na

mahal ko pa rin ang aking asawa.

 

IV.

Naisip ko na idaan sa dahas;

Hindi. Mas mainam ang

magpakumbaba.

 

Pinilit ang yakap sa kanyang bisig

At pagkatapos ay humingi ng tawad

Nagpupumiglas sa malulumanay kong hawak

Gustong makawala sa pagsusumamo’t dahak.

 

“Hindi na mauulit,” pagmamakaawa ko.

Paulit-ulit — kahit nagmumuka nang gago.

 

V.

Nang ’di pa rin magpapigil ay

sinunggaban ko ng halik.

Sa una’y nanlaban, kalauna’y

nanahimik. Sa bawat paghihiwalay

ng mga labi ay aking ipinapaalala,

ibinubulong ang mga pangako, lahat

ng pagsinta: ang unang pagkikita,

ang araw na naging magkakilala,

ang panata sa dambana, ang pangarap

na pamilya.

 

Muli naming naramdaman ang pag-asa.

“Magsimula tayo ulit,” dalisay

kong pakiusap. Ang sagot niya

lamang ay mataos na ngiti. At

ang pagtugon ay ang muling

paglalapat ng aming mga labi.

 

Sa mahabang panahon, muli ay

aming naranasan. Ang sumiping

sa ilalim ng purong pagmamahalan.

Ang pag-angkin sa isa’t isa nang

walang pag-aalinlangan. Ang

pagsasalo sa langit ng kaligayahan.

 

Sa isang iglap, natupok ang lahat

ng pasakit. Lumisan ang pabigat

na hinanakit. Nasaid ang pag-iral

ng sakit.

Nilamon ng init ang

sama ng loob.

 

At nagpatuloy nga ang pagliyab ng bawat gabi

Kilala ko na muli ang aking katabi.

 

Marahil ay nagbalik na rin ang aking sarili . . .

 

VI.

 Gumising ako sa isang paglalambing.

“Mahal, may dumating sa ating regalo.”

Napakunot ang aking noo.

 

Hindi ko maintindihan kung bakit

siya lumuluha. At saka ko lamang

naunawaan nang buksan niya ang

kanyang palad, tangan-tangan

ang puting instrumento . . .

na may dalawang guhit na

siguradong sa buhay namin

ay bubuo at magbabago:

ang sugo na sagot sa aming

dasal; ang pangarap na anghel

na hinintay ng kaytagal.

 

Ang dalawang guhit ng pag-asa.

 

Ako ang pinakamasayang tatay

ng sandaling iyon.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s