Posts Tagged ‘pagibig’

Bawal na Pag-ibig

Posted: April 6, 2017 in Maikling Kuwento
Tags: ,

Tahimik ko lang pinagmamasdan ang paligid habang abala ang sinasakyan kong bus sa paghihintay na umusad kahit papa’no ang daloy ng trapiko. Inaaliw ko ang sarili sa panunood ng nagpapalitang mga ilaw ng traffic lights, at bumubuo ng mga salita sa mga letra mula sa mga plaka ng mga sasakyan. Wala akong katabi. Wala naman kasi gustong tumabi sa akin noong araw na iyon. Hindi lang pala noong araw na ’yon. Madalas, wala talaga akong katabi sa bus.

Pero hindi naman nakalulungkot ang paulit-ulit na senaryo. Sa totoo lang, gusto ko nga ’yon — dahil ang bakanteng upuan (na walang gustong umupo) ay nakareserba para sa babae na laging nagpapaikot ng nakatengga kong mundo. Si Lorraine.

“Ang cute-cute naman ng sapatos mo.”

Laging papuri ang naririnig ko sa tuwing nakasasabay ko si Lorraine sa biyahe. Kung hindi T-shirt, o sapatos, papansinin niya ang buhok kong lango sa gel, ang polo ko na wala naman sa tingin kong pinagbago, o ’di kaya ang ngiti ko na pilit kong pinipigilan. Basta lahat sa akin, kapag kasama ko siya, maganda. Wala ako narinig ni minsan na negatibo. ’Pag kasama ko siya, ako ang pinakamagandang lalaki sa mundo.

Tipid naman ang mga sagot ko sa kanya. Nahihiya kasi ako. Minsan, pabulong na “salamat” ang maririnig niya, subalit kadalasan, pagpula na lamang ng aking mga pisngi at pagsulyap ng aking mga biloy ang aking tugon. Sino ba naman kasi ang hindi mapipipi sa maamo niyang mukha, na minsa’y natatakpan ng makintab niyang buhok na halatang alaga?

“Gusto mo?”

Lagi ko siyang inaalok ng baon kong sandwich. Dalawa lagi ang dinadala ko: isa para sa akin pagdating ng meryenda; isa para kay Lorraine habang nasa biyahe kami. Paborito niya ang peanut butter sandwich. Mabuti na lang, mura ang peanut butter sa tindahan ni Aling Bering. At mabuti na lang, kasya ang dalawang sandwich sa aking maleta.

Trenta-minuto ko siya halos katabi sa bus. Halos araw-araw iyon. At halos araw-araw din kaming nagpapalitan ng istorya kapag nagkakapalagayan na ng loob. Kahit madaldal si Lorraine, mahinhin lamang siya magsalita, at nakatutuwa ang malalambing niyang tawa. Madalas, mas marami siyang kuwento sa akin: tungkol sa naging araw niya kahapon, tungkol sa gagawin niya mamaya, at tungkol sa pagkikita namin ulit sa biyahe bukas. Isa iyon sa mga nagustuhan ko sa kanya: pinararamdam niya sa akin na gusto niya ako laging kasama — sa biyahe.

At oo, gusto ko siya. Baka nga mahal ko na siya, e. Kaso bawal.

“O, mga bata. Nandito na tayo. Mag-aral mabuti, ha.” sigaw ni Manong, driver ng school bus, tatay ni Lorraine.

“O, baka makalimutan mo ‘yang lunchbox mo,” paalala na naman ni Lorraine sa akin sa araw-araw, at paalala na kailangan na naming maghiwalay. “Salamat ulit sa sandwich. Aral mabuti, ha.”

Siya ang first love ko no’n.

Minahal ko siya.

Grade 1 ako no’n.

3rd year high school siya.