Posts Tagged ‘lasing’

4 x 4

Posted: December 2, 2018 in Kuwentong Mateo
Tags: , , ,

Mayroong isang lalaking nagmamay-ari ng isang bagong 4×4 Revo na sasakyan. Wala siyang garahe kaya madalas niya ito iparada sa bakanteng lote, dalawang kanto ang layo mula sa kanilang bahay.

Madalas, isang lasing na pasuray-suray ang lumalakad sa nasabing bakanteng lote. Napansin ng lasing ang 4×4 na tatak, binunot ang dalang balisong, at inukitan ito ng =16.

Kinabukasan, umuusok ang ilong ng may-ari sa sobrang galit. Agad niya itong ipinagbigay alam sa barangay, ngunit hindi matukoy kung sino ang salarin dahil wala namang saksi at CCTV sa paligid ng lote. Wala siyang nagawa kundi gastusan at ipatanggal ang =16sa pinakamamahal na kotse.

Kinagabihan, nakitang muli ng pasuray-suray na lasing ang awto, at napansin na wala na ang inukit niya. Galit nitong binunot muli ang kanyang balisong, at sinagutan muli ang 4×4 ng =16.

Kinabukasan, galit na namang nagsumbong ang may-ari sa barangay. Wala pa rin saksi kaya’t wala na namang nangyari sa reklamo. Pasalamat na lamang siya at hindi gulong o salamin ang pinagdidiskitahan. Wala rin namang ibang mas ligtas na lugar na paradahan sa kanilang lugar. Muli, napagpasyahan na lamang niyang gastusan at ipatanggal ang =16.

Kinagabihan muli, napansin na naman ng pasuray-suray na lasing ang naglahong =16. Muli niyang binunot ang balisong, at madiin niyang ibinalik, kasunod ng 4×4 ang =16.

Sa ikatlong araw, kamot-ulo na naman ang may-ari sa nakaukit sa kanyang awto. Hindi na siya nagreklamo sa barangay. Dali-dali na lamang siyang pumunta sa talyer at ipinagawa ang awto, ngunit sa pagkakataong ito, labag man sa kalooban, ipinasadya na niyang ilagay nang maayos ang =16.

Hatinggabi, sinadyang balikan ng pasuray-suray na lasing ang kotse, at siniguradong nandoon pa rin ang kanyang inukit. Napangiti siya nang makitang mas maayos nang nakalagay ang 4×4=16 sa awto.

Binunot niya ang balisong, sabay ukit ng CORRECT.

* Hindi sa akin ang ideya ng joke. Isa ito sa mga kinalakihan kong kuwentong barbero noong bata ako, at hindi ako magsasawang muling ikuwento ito sa susunod pang henerasyon.