Posts Tagged ‘langit’

“Tatlo. Tatlo na lamang ang maaaring makapasok sa inyo,” bungad ni San Pedro. “Puno na kasi ang langit.”

“E sino naman po ang dapat maiwan sa aming apat?” tanong ng unang lalaki.

Humawak ang santo sa kanyang balbas at sandaling nag-isip. “Kailangan ko malaman kung paano kayo namatay, at ako na ang bahalang magpasya.”

“Wala po bang exception sa katulad ko?” tanong ng nag-iisang babae.

“Hoy! Walang special treatment dito!” reklamo ng ikalawang lalaki. “Porket babae ka?”

Sumang-ayon ang unang lalaki sa ikalawa, samantalang tahimik lamang ang ikatlong lalaki na tila nilamon ng kalugmukan at walang balak makisali sa argumento.

Napailing na lamang si San Pedro. “Kailangan na natin umpisahan bago tumilaok ang manok.” Itinuro niya ang unang lalaki upang kausapin ito ng pribado. “Ikaw. Paano ka namatay?”

“Nasa office po ako n’on,” panimula ng unang lalaki, “nang biglang may tumawag sa akin; hindi ko kilala. Ang sabe, umuwi na daw ako, dahil nakita niya raw ang asawa ko sa terrace ng condo namin na may kahalikan. Noong una, hindi ako naniwala kasi akala ko’y hindi niya iyon magagawa sa akin . . . ’gang may i-send sa akin na picture ’yung unknown caller.

“Pagkakita ko sa picture, binato ko yung cellphone ko sa trash can, at mabilis na tumakbo papunta sa basement para sumakay sa oto ko. Hindi na ako nagpaalam sa boss ko.

“Hinarurot ko ang sasakyan kahit madulas ang kalsada dahil sa matinding buhos ng ulan. Todo busina kahit wala naman traffic. Pagdating sa building, pinagmumura at pinagsisipa ko ’yung elevator, kasi sira. Pero kahit nasa 11th floor pa ’yung unit namin at kahit may sakit ako sa puso, pinilit kong umakyat gamit ang hagdanan.

“Hingal na hingal ako pagdating sa tapat ng pintuan ng unit namin. Hindi ako kumatok. Tinangka kong buksan ang pinto pero naka-lock. Bigla ko naisip na mas maganda kung susurpresahin ko sila kaya inilabas ko ang duplicate key na nasa wallet ko. Dahan-dahan, binuksan ko ang pinto.

“Naabutan ko ang aking asawa na nagsusuklay sa kama, mukang bagong ligo. Masakit na ang batok ko nang sandaling iyon dahil siguro sa high-blood. Opo, may sakit na ko sa puso, may high blood pa ko, marami akong sakit. Mura ako nang mura at sigaw nang sigaw na ilabas niya ang kabit niya, pero ayaw niya talaga umamin. Naisip ko nga n’on na sana hindi ko tinapon ang cellphone ko sa basurahan para may ebidensya.

“Hindi ako nawalan ng pag-asa. Malakas ang pakiramdam ko na hindi pa nakaaalis ang kabit niya. Tumingin ako sa aming kuwarto, pero wala. Tumingin ako sa ilalim ng kama, ng lamesa, ng sopa, pero wala. Tumingin ako sa likod ng mga kurtina, pero wala. Hanggang sa mapunta ako sa terrace . . . nakakita ako ng dalawang kamay na nakasabit sa balconahe, basang-basa sa ulan, nagpupumilit kumapit, huwag lang mahulog. Doon nagsimulang dumilim ang paningin ko.

“Agad kong kinuha ang martilyo sa storage room. Mabilis akong bumalik sa terrace, at walang habas kong pinagpupukpok ang kamay na nakasabit. Naaalala ko pa ang paghingi ng tulong ng kabit niya habang dinudurog ko ang mga daliri nito. Umiiyak lamang ang asawa ko sa gilid, siguro dahil sa takot, pero nakapagtataka na hindi niya ako pinipigilan.

“Nang bumitiw na ang kabit ng asawa ko, narinig ko ang malakas na sigawan ng mga tao nang bumagsak ito sa ground floor. Pero himala, nakita kong nagpupumilit siyang tumayo; hindi ko akalaing mabubuhay pa siya dahil galing pa siya sa 11th floor.

“Sa matinding galit ko, pumunta ako sa kusina, at hindi nakuntento: binuhat ko ang napakabigat na refrigerator at hinulog sa naghihingalo niyang kabit. Mas malakas ang narinig kong sigawan nang bumagsak ito sa naghihingalong katawan. Sobrang bigat ng ref namin nang araw na iyon, pero kinaya ko. Siguro dahil nga sa galit. Subalit sa kasamaang palad, pagkatapos ihulog ang ref, napaupo ako . . .  at inatake sa puso. Ganun po ako namatay.”

Tumango-tango si San Pedro at tinawag naman ang ikalawang lalaki upang ito naman ang kanyang pakinggan.

Namumutla ang ikalawang lalaki nang lumapit siya sa santo. “Nasa condo po ako ng babae ko nang araw na iyon. Nasa kasarapan kami ng . . . alam niyo na ho . . . nang marinig naming may nagbubukas sa door knob. Nataranta kami dahil siguradong iyon ang asawa niya.

“Maliit lamang ang condo unit nila, kaya siguradong kahit saan ako magtago ay  makikita ako ng asawa niya. Pero dahil desperado na ako, nagtago ako sa malaki nilang refrigerator. Mabuti na lang at hindi pa sila nakapag-gogrocery kaya walang masiyadong laman ang ref nila. At medyo may kaliitan naman ako kaya ako nagkasya.

“Takot na takot ako nang sandaling iyon dahil ramdam ko ang galit ng kanyang asawa. Rinig ko ang lahat ng sigaw at mura. Hindi ko nga lang alam kung sino ’yung humihingi ng tulong, o baka guni-guni ko lamang ’yon.

“Hanggang sa ilang saglit pa, naramdaman kong parang may bumubuhat sa ref na kinalalagyan ko. Nilaglag yata ako ng kabit ko at itinuro kung nasaan ako. Nang binuksan ko ang pinto ng refrigerator, huli na. Huli kong tanda ay nasa kalagitnaan ako ng ere kasama ang malakas na ulan, at bumagsak sa color green na tiles, at unti-unting nagdilim ang mundo ko pagkatapos magsigawan ang lahat ng tao. Ganun po ako namatay.”

Tumango-tango si San Pedro at tinawag naman ang ikatlong lalaki upang ito naman ang kanyang pakinggan.

“Nasa condo po ako nang araw na iyon, 12th floor,” sabe ng ikatlong lalaki na ngayon lamang nagbigkas ng salita. “Napagpasyahan kong mag-map sa terrace dahil sobrang dulas gawa ng ulan . . . nang biglang may napansin ako sa baba, sa terrace ng 11th floor, na may naghahalikan.

“Kilala ko ang mga nakatira sa unit na iyon dahil sa kanila ako nagpapaiwan ng susi tuwing pumapasok ako sa trabaho. Pero ang nakita ko lamang ay ang babae, at iba ang kahalikan nitong lalaki. Dahil nga sa kanila ako nagpapaiwan ng susi, alam ko ang contact number ng mister nito.

“Hindi ako nagdalawang-isip na makielam sa kanila dahil nakokonsensya ako. Agad kong tinawagan ang kanyang mister at ipinaalam ang misteryong nagaganap sa kanilang tahanan. Nang hindi naniwala ang mister nito sa akin, mabilis kong kinuhaan ng litrato ang mga taksil at ipinadala ito sa kanya. Hindi na ito sumagot. Mukhang hindi niya talaga paniniwalaan ang mga nasaksihan ko. Tinangka kong kumuha ulit ng isa pang litrato para makakuha ng mas maraming ebidensya, pero sa kasamaang palad, nadulas ako.

“Pero sa kabutihang palad naman, napakapit ako sa balconahe ng 11th floor. Maya-maya pa, may naririnig akong pamilyar na boses, sigaw ng sigaw, galit na galit, at mura ng mura. Nabuhayan ako ng pag-asa kasi iyon ang boses ng mister nung babaeng taksil. Sumigaw ako, ‘Tulong! Tulong’, pero imbis na tulungan niya ako, pinukpok niya ng martilyo ang aking mga kamay. Hindi ko alam kung bakit. Nang hindi ko na kaya ang brutal niyang pagdurog sa aking mga daliri ay bumitiw na ako. Rinig ko ang sigawan ng tao pagbagsak ko sa color green na tiles. Rinig ko rin ang paglagatok ng mga buto sa aking beywang. Pinilit kong tumayo pero hindi ko maramdaman ang aking mga paa. At bago pa man ako makasigaw muli ng tulong, may bumagsak sa aking mabigat na bagay. Nagdilim ang aking mundo. Ganun po ako namatay.”

Tumango-tango si San Pedro at tinawag naman ang kaisa-isang babae sa grupo upang pakinggan.

“Nasa condo unit po ako kasama ang kab—”

“Huwag mo nang ituloy,” pagpuputol ng santo sa kuwento ng babae. “Ikaw ang maiiwan sa inyong apat.”

 

Moral Lessons: 1) Kapag kukuha ng condo unit, huwag kukuha sa matataas na floor. Mahirap umakyat ’pag walang elevator. 2) Kapag magtataksil ka sa asawa, huwag makikipaghalikan sa terrace. Kasi 3) hindi porket nasa condominium ka, e wala nang chismosa’t chismoso. At 4) huwag masiyadong chismoso. Dapat ’yung tama lang para hindi ka nadudulas sa balconahe. Huwag bida-bida. At siyempre 5) Huwag nang magtaksil sa asawa. Nagiging sanhi ito ng Mass Murder.

 

Wait. Sa mga nagtataka kung paano namatay ’yung babae, nag-suicide siya. Maniwala ka na, please, para lang mabuo ’yung istorya. Si San Pedro kasi, e, hindi pinatapos ang bruha.

Ang sarap maging bata, walang responsibilidad; laging may nakaalalay, laging may nakalingon. Hindi pa importante sa atin nuon ang anumang relihiyon. Matutulog nang pagod hindi dahil sa stress, kundi dahil sa paglalaro natin buong maghapon. Laro lang sa’tin nuon ang langit, lupa at impyerno. Sinasayang lang natin dati ang papel, gunting, bato. May instant family tayo sa bahay-bahayang laro, at laging may aguinaldo t’wing sasapit ang PASKO. Kabataan ay ‘yung mga oras na tinanong natin ang buwan, “Baket mo ba ko sinusundan?” ‘Yun ‘yung oras na naging prinsepe’t prinsesa tayo sa sarili nating mundo. ‘Yun ‘yung parte sa buhay natin na minsa’y nakalipad tayo at naging superhero. Kabataan ay ‘yung kaisa-isang parte sa buhay natin na kahit pinanganak kang mahirap eh siguradong babalik-balikan mo.

Ang sarap maging bata kasi buong-buo ka pa. Wala ka pang lamat at ‘di ka pa nakalalamat ng iba. Kabataan ay kayamanang nauubos pero hindi nawawala sa isipan. Kayamanang aalalahanin sa ating katandaan. Huwag ipagkait sa ibang tao. Kabataan ang dahilan kung sino ka ngayon.

Kabataan ang ugat ng iyong PAGKATAO . . .