Posts Tagged ‘buhay’

Mano po, Ninong

Posted: December 30, 2016 in Makata-kuno
Tags: , , , , ,

Pauwi, nag-aantay ng dyip
Wala na naman si Ninong, bad trip
Kating-kati sa mga aguinaldo
Wala na naman akong pamasko

Sa pagsakay, nag-abot agad ng bayad
Tumanaw sa bintana at nagmuni-muni
Nakatulala lamang at nakanguso
Nakapangalumbaba, may kirot sa puso

Nagsimba naman ako kaninang umaga
Nag-behave hanggang matapos ang misa
At pagkatapos ay humalik na ako kay nanay
Mamamasko na po ako, paalam ko kay tatay

O Diyos ko, bakit walang biyayang dumating
Hindi ba ako mahal ng aking Ninang Ising?
Pinagtataguan lang ba ako ni Ninong Carding?
Hindi Niyo po ba naririnig ang aking mga daing?

Maya-maya ay may sumakay sa dyip
Nag-abot sa akin ng maliit na ampao
Isa siyang batang gusgusin
Isang palaboy-laboy na badjao

Pinunasan niya aking mga sapatos
Pinunasan ko naman ang luha sa aking mukha
Humihingi siya sa akin ng kaunting limos
Humihingi naman ako ng tawad sa Diyos

Salamat sa Kanya, sa isang aguinaldo
Ako’y biniyayaan ng mas magandang buhay
Ang Maykapal nga pala ang may kaarawan ngayon
Pagbibigayan lamang ang hiling niya sa sangkatauhan

Banyuhay

Posted: October 27, 2016 in Makata-kuno
Tags: , , , ,

Magsisimulang gumising

ang uod mula sa kanyang

itlog na wala namang punlo.

 

Hahanapin ang kututuran

sa umiikot na kalikasan.

 

Kakain at mahuhulog,

pipilitin bumangon at

lalamon; mahuhulog —

 

Muli. Unti-unti

ay malilinawan.

 

Mabubusog hindi

lamang ang tiyan kundi

pati na rin ang isipan.

 

Ang kaalaman.

Ang kamalayan.

 

Mag-iipon ng sapat

na panahon, ng lakas

ng loob.

 

Pagbibigyan ang

panibagong yugto ng buhay.

 

Bilang utang ay paninindigan

ang responsibilidad. Magbata,

magtiis — mangarap.

 

Sa kukun magkukulong,

magsasayang ng panahon

sa dilim at kalungkutan.

 

Magninilay-nilay sa

pag-usbong.

 

Magbubulay-bulayan sa

kawalang-katiyakan ng

pagbabalik ng buhay.

 

At hindi na nga

magbabalik.

 

Mamamatay ngunit hindi

mawawalan ng pulso. Hahakbang

sa bagong baitang —

 

Kahit hindi na muling

lalakad.

 

Patuloy na kakain;

hindi na muling

mahuhulog.

 

Sa pagdampi muli ng

liwanag sa paningin,

 

Isisilang ang

kakaibang kagandahan,

natatanging misteryo.

 

Isang nilalang na

patunay ng purong kagalakan.

 

Magpupugay ang mga

bulaklak, habang nakaabang

ang mga palaka.

 

Magsasaboy ng ngiti sa

buong kalikasan.

 

Mataas man ang

lipad, subalit

dadapo pa rin sa lupa.

 

Kaya’t walang makalilimot

sa pagaspas ng paru-paro.

 

Ang sarap maging bata, walang responsibilidad; laging may nakaalalay, laging may nakalingon. Hindi pa importante sa atin nuon ang anumang relihiyon. Matutulog nang pagod hindi dahil sa stress, kundi dahil sa paglalaro natin buong maghapon. Laro lang sa’tin nuon ang langit, lupa at impyerno. Sinasayang lang natin dati ang papel, gunting, bato. May instant family tayo sa bahay-bahayang laro, at laging may aguinaldo t’wing sasapit ang PASKO. Kabataan ay ‘yung mga oras na tinanong natin ang buwan, “Baket mo ba ko sinusundan?” ‘Yun ‘yung oras na naging prinsepe’t prinsesa tayo sa sarili nating mundo. ‘Yun ‘yung parte sa buhay natin na minsa’y nakalipad tayo at naging superhero. Kabataan ay ‘yung kaisa-isang parte sa buhay natin na kahit pinanganak kang mahirap eh siguradong babalik-balikan mo.

Ang sarap maging bata kasi buong-buo ka pa. Wala ka pang lamat at ‘di ka pa nakalalamat ng iba. Kabataan ay kayamanang nauubos pero hindi nawawala sa isipan. Kayamanang aalalahanin sa ating katandaan. Huwag ipagkait sa ibang tao. Kabataan ang dahilan kung sino ka ngayon.

Kabataan ang ugat ng iyong PAGKATAO . . .