Dambana  (Pag-ibig)

 

Naghihintay ang palamuti at mga bulaklak

Puno ang paligid ng samyo ng mga rosas

Walang mapagsidlan ang tuwa at galak

Hindi ako mapakali sa pagbagal ng oras.

 

Matagal kong pinangarap ang araw na ito —

Ang pagtalima sa pangarap na makulay

Magbitiw ng sinumpaang pangako:

Ika’y pangangalagaan, iibigin habambuhay.

 

At sa iyo ngang pagpasok sa pintuan ng simbahan,

nahiya ultimo bulaklak sa iyong kagandahan

Nagpupugay, kahit mga ibon ay umaawit

Tunay nga, ika’y diyosa ng purong pag-ibig

 

At ako — hindi maipaliwanag ang damdamin

Yumayapos ang kaba, patuloy na nananalangin.

 

Panandaliang tumigil ang pagtibok ng puso

Mistulang huminto ang pag-ikot ng mundo

Pinagpala ang kariktan ng iyong paggalaw

Suot ang trahe de boda at puting belo.

 

Sanay na ako sa walang kaparis mong kagandahan

Subalit iba talaga ang sandaling ito

Ano ba ang aking ginawa upang ako’y pagpalain,

bigyan ng Panginoon ng sobra sa ’king dalangin?

 

Sa iyong paglapit, ako’y natunaw sa iyong ngiti;

Ngiting hindi matutumbasan ng kahit anong regalo

Kinamayan ko ang iyong ama, at nagsimula ang sandali

na malapit mo nang angkinin ang aking apelyido.

 

Ang iyong ina, hindi napigil ang naipong luha

Sinira ng pag-iyak ang kolorete sa kanyang mukha

Huling halik, huling yakap sa kanyang unica iha

bago ka niya ipaubaya sa akin, oh aking sinta.

 

Napabuntong-hininga ako ng malalim

nang hawakan ko ang malambot mong kamay.

 

Sabay tayong humarap sa pari at altar,

sa presensya ng probidensya at Maykapal

Nakinig sa sermon at sa singit na dasal

Naghihintay ng basbas sa sagradong kasal.

 

Lumapit ang nakaaaliw na tsikiting,

bitbit-bitbit ang basket ng dalawang singsing

Kumikinang ang bato sa gitna ng pirasong pilak

na ’di magtatagal ay sa mga daliri natin ilalagak.

 

Binigkas natin ang sagradong panata:

Tinatanggap kita bilang aking kabiyak

Sasamahan kita sa hirap at ginhawa,

sa lahat ng pagtawa at iyong pag-iyak;

 

Hanggang sa abutin ng magpakailanman . . .

Hanggang paghiwalayin tayo ng kamatayan.

 

Ang mga sumunod ay pagtatapos ng banal na seremonya

Idineklara tayo ng pari, ng Diyos, bilang iisa

“Ngayo’y maaari mo nang halikan ang iyong asawa.”

Pinuno ang simbahan ng sigawan ng madla.

 

Tinanggal ko ang belong nakatakip sa maamo mong mukha

Tinitigan kita sa mata at bumulong ng “Mahal kita.”

At hindi ko na pinatagal ang paglalapat ng ating mga labi

Marubdob ang bawat segundo ng magiliw na halik.

 

Sumabay ang hiyawan sa dagundong ng kampana

Ang piyano at kantores ay patuloy na nanghaharana

Silang lahat ay saksi sa ating pag-iisang dibdib —

sa simula ng panibagong yugto ng ating buhay.

 

At mamayang gabi ay bubuuin ang katuparan

Maghahalo ang pawis at init ng ating laman

Magsasalo sa langit ng kaligayahan

Mangangarap para sa ating kinabukasan.

 

At aalalahanin ang araw na ’to sa ’ting pagtanda

Hindi maaalis sa sulok ng isipan at gunita.

 

 

Pangarap na Anghel  (Pananampalataya)

 

Limang taong pagsamama ang

atin nang nabuno. At unti-unti,

nawawala ang ngiti sa

ating mga labi.

 

“Huwag ho tayo mawalan ng

pag-asa, Misis,” payo ng doktor.

Hindi na mabilang sa daliri ang

paulit-ulit niyang pangungusap.

Walang nagawa ang aking asawa

kundi maghintay muli ng tamang

panahon. At ako, nagpapakatatag

upang sa pagkabigo ay makaahon.

Dalangin lang naman namin

ay isang supling. Iyon lamang

ang tanging hiling.

 

 

Akala ko’y ayos lang ang

lahat, basta’t kami ay

magkasama. Ano nga naman ba

kung hindi kami magkaroon

ng tagapagmana — ng aming

kayamanan, ng aming dugo,

ng aming buhay? Okay na siguro

iyon para hindi maabala — sa

pagpapalit ng lampin, sa

pagpapasuso ng bata, sa walang

katapusang pag-aalaga. Basta,

ang importante, magkasama kami.

Mawala na ang lahat, huwag lang

ang babaeng iniharap sa dambana.

Subalit hindi pala sapat. Hindi

pala mainam na kami lamang ang

haharap sa mundo.

 

Sa pagnanais na magkaroon ng

buhay sa loob ng tiyan, hindi na

naging sapat ang pagtawag

kay Hesukristo.

 

Nagpataas siya ng matres sa manghihilot;

nagpatawas sa kilalang albularyo;

nakisali sa sayawan sa Obando;

humawak sa kamay ng gintong Buddha;

at lumuhod papalapit sa Ave Maria.

 

At lumipas ang panahon, nagbago

ang aming pagsasama . . .

nang hindi namin namamalayan.

 

Pilit na lamang ang mga siping sa bawat

gabi — walang laob, walang pagliyab.

Nagigising siyang pula ang mga mata;

basa ng luha ang malalambot na punda.

Habang ako nama’y naghahanap ng

libangan t’wing nabibigo. Pinupuno

ang sahig ng mga upos ng sigarilyo.

Kumakalansing ang mga tansan

mula sa mga bote ng serbesa.

Madalang na ang mga salita tuwing

hapunan, kahit wala namang naganap

na pag-aaway o tampuhan. Natatapos

na lamang ang pagkain sa pag-inom

ng tubig, nakatulala sa lumamig

nang kanin.

 

Saan na napunta ang masasayang

ala-ala? Nakabinbin ang

mga pangako sa isa’t isa.

Hindi ko na yata muling

maririnig ang nakaaaliw

niyang tawa. Nakatatakot na

baka dumating ang araw na

hindi ko na siya makilala.

 

Ang laging tanong sa Diyos —

ano ba ang kasalanan at hindi

kami biyayaan ng anghel?

Oo at sagana kami sa salapi,

na madalas naman naming

ipamahagi. Ngunit ano ang silbi

kung natutunaw naman ang

aming mga ngiti, at mas marami

na ang sandaling nakararanas

ng kirot at hapdi?

 

Ano pa ang silbi ng aming

pag-iral kung hindi naman

makaaambag sa susunod na

henerasyon?

 

Ano pa ang silbi ng

kinabukasan kung sa

kamatayan ay lilimutin

din naman ng kahapon?

 

Patuloy pa rin akong

magtitiwala sa inyo,

Panginoon. Patuloy

pa rin akong aasa

at maghihintay . . .

sa pangarap na anghel,

sa isang bagong buhay.

 

 

Sugo  (Pag-asa)

I.

 At tuluyan nang nagyelo ang bawat gabi

Hindi ko na kilala ang aking katabi.

 

Marahil hindi ko na rin kilala

ang aking sarili.

 

Ang mga tampuhan ay naging mga sigawan,

Ang mga sisihan ay nauuwi sa sakitan.

 

II.

Dumalas ang pagliliwaliw. Tumatakas

sa reyalidad, nagpapakasasa sa

mahika ng serbesa. Sige lang

sa paggala, muling nagbuhay-binata.

Ang tahanang dati’y pinananabikan,

turing na ngayo’y impiyerno na

ayaw uwian.

 

Ayos lang. Wala naman yata

naghihintay sa ‘king pagbabalik.

 

Hindi na nagkakasabay sa hapag-kainan

Ang pagtama ng mga mata’y pilit iniiwasan.

 

Ang relasyong noo’y aming iniingatan

Ngayo’y kinakain ng anay ng pagkukulang

Parang puno na malapit nang mamatay

Walang dilig, walang ulang hinihintay.

 

III.

Isang gabi’y binulaga ng sandaling

pinangangambahan, ngunit matagal ko nang

inaasahan. Sa ’king pag-uwi, ako’y

biglang kinutuban. Himala kasi, malalim

na ang gabi, siya ay akin pang naabutan.

Nagtama ang paningin, at mangiyak-ngiyak

niyang sinabi sa ’kin — “Ayoko na.”

 

Saglit tumigil ang aking paghinga

Tama ba ang narinig ng aking mga tainga?

 

“Hindi ko na kaya,” dagdag pa niya.

Lalong naipit ang mga salita. Nawala

ang tama ng alak na nakakulob

sa utak. Nagising ang natutulog

na ulirat. Nabuang ang pagkabalisa.

Nais kong sumigaw: Hindi ako papayag!

 

Nagsimulang bumalik ang takot ng

isang paglisan: ang pakiramdam ng

iwanan sa kawalan. Wala pa rin pala

nagbago sa aking pag-ibig. Nakalimutan

ko lang kung paano magmahal. Takot

pa rin ako na mawala siya. Mahal na

mahal ko pa rin ang aking asawa.

 

IV.

Naisip ko na idaan sa dahas;

Hindi. Mas mainam ang

magpakumbaba.

 

Pinilit ang yakap sa kanyang bisig

At pagkatapos ay humingi ng tawad

Nagpupumiglas sa malulumanay kong hawak

Gustong makawala sa pagsusumamo’t dahak.

 

“Hindi na mauulit,” pagmamakaawa ko.

Paulit-ulit — kahit nagmumuka nang gago.

 

V.

Nang ’di pa rin magpapigil ay

sinunggaban ko ng halik.

Sa una’y nanlaban, kalauna’y

nanahimik. Sa bawat paghihiwalay

ng mga labi ay aking ipinapaalala,

ibinubulong ang mga pangako, lahat

ng pagsinta: ang unang pagkikita,

ang araw na naging magkakilala,

ang panata sa dambana, ang pangarap

na pamilya.

 

Muli naming naramdaman ang pag-asa.

“Magsimula tayo ulit,” dalisay

kong pakiusap. Ang sagot niya

lamang ay mataos na ngiti. At

ang pagtugon ay ang muling

paglalapat ng aming mga labi.

 

Sa mahabang panahon, muli ay

aming naranasan. Ang sumiping

sa ilalim ng purong pagmamahalan.

Ang pag-angkin sa isa’t isa nang

walang pag-aalinlangan. Ang

pagsasalo sa langit ng kaligayahan.

 

Sa isang iglap, natupok ang lahat

ng pasakit. Lumisan ang pabigat

na hinanakit. Nasaid ang pag-iral

ng sakit.

Nilamon ng init ang

sama ng loob.

 

At nagpatuloy nga ang pagliyab ng bawat gabi

Kilala ko na muli ang aking katabi.

 

Marahil ay nagbalik na rin ang aking sarili . . .

 

VI.

 Gumising ako sa isang paglalambing.

“Mahal, may dumating sa ating regalo.”

Napakunot ang aking noo.

 

Hindi ko maintindihan kung bakit

siya lumuluha. At saka ko lamang

naunawaan nang buksan niya ang

kanyang palad, tangan-tangan

ang puting instrumento . . .

na may dalawang guhit na

siguradong sa buhay namin

ay bubuo at magbabago:

ang sugo na sagot sa aming

dasal; ang pangarap na anghel

na hinintay ng kaytagal.

 

Ang dalawang guhit ng pag-asa.

 

Ako ang pinakamasayang tatay

ng sandaling iyon.

Advertisements

Segundo

Posted: November 6, 2016 in Maikling Kuwento
Tags: , , , ,

Isang segundo lang naman ang kailangan para idilat ang mga mata. Pero para bilangin kung ilang saglit ba ang kakainin para isipin ang lahat ng problema na naipon ngayong araw, tiyak na kulang na kulang ang isang segundo.

At dumarating talaga ang mga pagkakataon na sana’y huwag muna dumating ang segundo na iyon. Tumagal sana ang pag-ikot ng oras, at huwag muna magising sa dampi ng sinag ng araw. At kung magising — magdasal; pero hindi para sa solusyon, kundi para sa himala.

* * *

Dalawang segundo para bumangon sa kama.

Ang unang mambubulabog sa mahimbing na pagtulog ay ang sirena mula sa aking cellphone. Ang unang tanong sa umaga: dismiss o snooze? Snooze sana, kahit limang minuto lang; ang kaso, kailangan ko na mag-gayak upang pumasok sa mahal kong unibersidad, at kumuha ng espesyal na pagsusulit. Marami na kasi akong atraso sa Physics teacher namin na si Mr. Alfonso. Bukod kasi sa wala akong prelims exam, wala rin akong midterms sa kanya. Gusto ko man i-drop, hindi naman puwede. Nasa probation list kasi ako. Kapag sinabing “probation”, sa amin, limitado lamang ang units na maaari mong kuhain, wala kang karapatang magkaroon ng singko, at hindi puwede mag-drop ng mga alanganing asignatura, dahil kapag minalas, matik — kick out ka. Sa madaling salita, do or die ang araw na ito.

Aminado naman ako, kasalanan ko kung bakit ako naghahabol ngayon. Madalas ang pagliban ko sa klase ni Mr. Alfonso. Pagkatapos kasi ng aking part-time job sa isang sikat na fast food chain, hindi na kinakaya ng aking katawan ang matinding pagod, at natataon lagi ang pagod na iyon sa araw ng kanyang pagtuturo. Alam ko na hindi dahilan ang pagod para hindi ko siya pasukan. Pinili ko ang magtrabaho habang nag-aaral kaya’t kailangan ko saluhin ang lahat ng antok at pagkalupaypay bilang mag-aaral.

Pero sino ba naman ang hindi tatamarin sa isang kupal na propesor?

Kung pakupalan lang naman ang pag-uusapan, si Mr. Alfonso na yata ang namumukod-tangi sa lahat ng kupal na guro sa buong kalawakan. Sa unang tingin, e ’kala mo ay isang lalaking walang kabahid-bahid ng kasamaan sa katawan. Maputi si Sir, may katangkaran, at singkit ang mga mata. Ipagpalagay na nasa kwarenta lamang ang kanyang edad, kahit sinasakop na ng mga uban ang kanyang makintab na buhok na babad sa pamada. Payat pero malaki ang tiyan — halatang manginginom. Siguradong lapitin ng chicks noong kabataan . . . kung hindi niya lang ipaaamoy ang masangsang niyang ugali.

Tatlong segundo lang ang kinailangan ko para ibulong sa sarili na ayaw ko kay Mr. Alfonso. Korni siya mag-joke; mga sipsip lang ang tumatawa. Kapag nagkukuwento siya ng hindi naman related sa lesson, bukambibig niya ay “Believe me, naranasan ko na ’yan.” Dapat siya palagi ang bida sa istorya. Bukod sa presko niyang pag-asta, wala pa siyang konsiderasyon sa kanyang mga estudyante, mapalalaki man o babae. Isang minutong late, hindi ka na maaaring pumasok sa kanyang klase (kaya dapat pareho ang oras ng cellphone mo sa oras ng kanyang relo). Lahat ng quizzes, dapat umabot sa kalahati ang score, dahil kung bitin, hindi niya ire-record: gagawin niyang confetti o di kaya ay pamunas ng blackboard. Napaka-resourceful. Ang pinakaayaw ko pa sa parte ng kanyang leksyon ay ang pagtatanong niya ng “Any question, guys?” tuwing end of discussion. Ano naman ang isasagot namin, e ang blackboard lang naman ang nakaririnig ng husky niyang boses. Mas nagiging kainis-inis ang lahat ng iyon kapag sumasabay ang sarkastiko niyang ngiti, at ang mga tingin niyang akala mo e laging nanghuhusga mula ulo hanggang paa.

Subalit ang hindi ko talaga malilimutan sa lahat ng kakupalan niya ay ang isinagot niya sa akin noong araw na personal akong lumapit upang magpaalam na matatagalan ang pagliban ko sa kanyang klase, sa kadahilanang pumanaw ang aking ama: “Hindi valid reason ’yan, boy. Ang dami mong absent sa ’kin, paalala ko lang. Noong namatay ang nanay ko, kinabukasan, pumasok ako agad sa trabaho. Kaya pasensiyahan na lang tayo.” Pakyu Sir, sa isip-isip ko nang sandaling iyon. Naubos na ang kakaunting respeto ko na natitira para sa kanya. Hindi ako bayolente, pero noong segundong iyon, gusto ko siyang sapakin, sipain, sikuhin, isako, kung hindi ko lang naalala ang nanay ko. Hindi ako magpapatanggal sa unibersidad nang maaga para lang sa isang kupal na katulad niya. Hindi ako pumasok sa kabila ng kanyang pagbabanta. Mas pipiliin kong malaglag dahil sa pagluluksa sa kamatayan ng aking ama, kaysa manlimos sa isang kupal ng kaunting pag-unawa.

Halos dalawang linggo na nang mamatay si Papsi dahil sa sakit na diabetes. Matigas kasi ang ulo. Binaliwala ang nararamdaman at nagpatuloy pa rin sa pagkonsumo ng mga pagkaing mayaman sa asukal. “Minsan lang naman, e,” bukambibig niya tuwing may okasyon. Ayun, nadali pagkatapos mismo ng kaarawan niya. Lahat ng ipinagbabawal ay pinilit tikman. Hindi niya naunawaan na ang tanging matamis na maaari niya lamang ikonsumo ay ang pagmamahal ni Mamsi.

Hindi ako iiyak, sabi ko noong araw na ’yon. Subalit nang makita ang malamig niyang bangkay, at napagtantong hindi ko na muling maririnig ang malalim niyang tinig, nangilid ang luha sa aking mga mata. At ang mga pigil na hikbi ay dahan-dahang naging mahinang mga ungol . . . hanggang sa nakabibinging hagulgol.

Ang hirap pala mamamatayan, ano? Iyon na yata ang pinakamasaklap na araw sa loob ng dalawang dekada na pag-iral ko sa mundo. Tuwing ako’y tumatangis, tanging mga hagod na lamang ni Mamsi sa aking likod ang nagpapalakas ng aking loob, at bahagyang pumapawi sa bigat ng aking pasanin. Isang beses ko lamang nakita ang aking nanay na lumuha sa harapan ng kabaong ni Papsi, pero hindi mabilang sa daliri ang mga segundo na naririnig ko siyang umiiyak mag-isa sa loob ng kanyang kuwarto. Nagpapakatatag siya para sa akin. Nagpapanggap siyang malakas, kahit sa loob-loob niya’y unti-unti na siyang gumuguho.

Nailibing na si Papsi kahapon. At heto ako ngayon, mukhang malilibing naman sa gitna ng EDSA, ang pinakamalaking parking lot sa Maynila. Nagtatalo na naman ang busina ng mga sasakyan at ang boses ng mga barker na nakakalat sa bawat kanto ng pedestrian lane. Nakasimangot na naman ang mga martir na suki ng LRT dahil sa mahabang linya na daig pa ang pila ng bigas tuwing state of calamity. Isa’t kalahating oras lamang ang kadalasang biyahe ko mula sa bahay hanggang sa unibersidad, pero kapag ganitong araw ng Biyernes, lalo na kapag sumama pa ang matinding buhos ng ulan, mas mainam na panoorin mo muna ang sequels ng Harry Potter para hindi ka mabagot sa mabigat na trapiko at magkaroon ng katuturan ang pagkangalay ng iyong likod sa upuan ng bus. Halos dalawang oras na akong stranded. Kahit ano talagang pagsisikap ang gawin mo, sa mga ganitong sitwasyon, itinitigil talaga ng trapiko ang lahat ng pag-asenso. Tama sana ang aking desisyon na lumiban muna sa trabaho kahit hindi ako pinayagan ng aking bisor. Hindi ko nga alam kung may trabaho pa ba akong babalikan. Basta ang alam ko, hindi ako puwedeng ma-late ngayon sa special exam na magdidikta ng kapalaran ng aking pag-aaral. Paano ako nagkaroon ng special exam kung sinuway ko si Alfonso? Dahil iyon kay Mica.

Si Mica, kaklase ko, ang paboritong estudyante ni Mr. Alfonso . . .  at kasintahan ko sa loob ng mahigit dalawang taon. Hindi na ngayon. Isang linggo ng lamay ni Papsi, umiiyak siya sa aking mga bisig, hindi dahil sa nakaratay kong ama, kundi dahil sa pakikipaghiwalay ko sa kanya. Ang dalawang taon na pagsasama, tinapos ko lamang sa loob ng dalawang segundo, tinapos ko lamang sa pagbigkas ng dalawang salita — ayoko na. Humingi siya ng dahilan kung bakit, ngunit wala ako naibigay maliban sa “Basta. Ayoko na.”

Pero ayaw ko na ba talaga? O nadala lang ako ng sunud-sunod na unos at problema? Lutang na lutang ako noong araw na iyon, ewan ko ba. Bukod sa pagkawala ng mahal ko sa buhay, at namimiligro kong pag-aaral, hindi ko pa alam kung saan kami kukuha ni Mamsi ng pambayad sa burol. Nawalan ako ng gana sa lahat ng bagay . . . pati sa kanya . . . pansamantala. Naisip kong napababayaan ko na siya, at wala na akong maibigay kundi pulos pasakit at problema. Minabuti kong hiwalayan siya, at napagtanto ko ngayon na iyon ang pinakamaling desisyon ko sa buhay. Bakit kung kailan kailangan na kailangan ko ng kalinga at suporta, ng pagmamahal, tsaka ko siya binitiwan . . . hiniwalayan. Mali. Maling-mali. Tanga. Tangang-tanga. Lalo ko lang pinatunayan sa kanya, at sa sarili ko na hindi ako karapat-dapat sa isang tulad n’ya. Pero kailan nga ba ako naging karapat-dapat sa kanya? Sa kanyang kalinga? Sa kanyang suporta? Sa kanyang pagmamahal? Sa kanyang kagandahan? Simula no’n, ’di ko na siya muling nasilayan.

Kahit hiwalay na kami, si Mica ang nagbukas ng huling pagkakataon para isalba ko ang namimiligro kong pag-aaral. Pasikreto niyang ginawa ’yon. Tumawag sa akin si Mr. Alfonso kahapon at binigkas ang mga pangungusap na unang nagbigay ng tuwa matapos ang ilang linggo kong pagdadalamhati: “Pumasok ka bukas. Same rules. Huwag kang mali-late. Pasalamat ka, boy, at may girlfriend kang matiyagang nakiusap para sa ’yo.” Apat na segundo akong nakangiti n’yon.

Bumaba na ako sa bus. Wala na kasing pag-usad na nagaganap, parang Pilipinas. Trenta-minuto na lamang ang natitira at bibitayin na ako ni Alfonso. Tinakbo ko ang natitirang mga kanto patungo sa susunod na sakayan. Hakbang, tingin sa relo, hakbang, tingin sa relo, hakbang, punas sa noo. Wala na akong pakielam kung maligo ako sa magkahalong lagkit ng pawis at patak ng ulan. Ang mahalaga, umabot ako sa aking paglilitis.

Labing-limang minuto ang nalalabi. Pinilit kong isiksik ang aking puwit sa natitirang espasyo sa upuan ng dyip, mabilis na kinuha ang wallet, at nagbayad ng saktong barya sa pamasahe upang hindi na ma-hassle sa paghihintay ng sukli. Kuyakoy, tingin sa relo, kuyakoy, tingin sa relo, kuyakoy, punas sa noo. Malamig ang mga butil ng pawis sa aking noo. At bawat pagtulo ng butil, nagdarasal ako sa lahat ng kilala kong santo. Masama ang tingin sa akin ni manang, katapat ko sa dyip. Nagtataka marahil kung bakit hindi ako mapakali. Sa kanyang mga titig, parang gusto niya ako tanungin ng “Toy, natatae ka na, ano?”

Pagbaba sa dyip, bumalik na naman ako sa fun-run marathon. Abot ko na ang pag-asa. Abot ko na ang pangarap. Tanaw ko na ang campus gate. Tanaw ko na si Manong Guard. Basang-basa na ang aking T-shirt. Pulos putik na ang aking pantalon. Amoy alimuom na ako. Huling sulyap sa relo . . .  mayroon pang tatlong minuto — sapat upang bumago ng buhay.

Pagpasok sa gate . . .

“Saglit,” sita ni Manong Guard. “I.D mo, Sir?”

Anak ng tipaklong sa Africa! Biglang nag-flash sa utak ko ’yung plantsado kong polo, nakasampay sa aparador . . . kasama ang nakabitin kong I.D.

“A, e kuya, naiwan ko sa bahay, e.” natataranta kong sagot.

“Ay Sir, hindi puwede, e. Wash day tayo ngayon, e. Paano ko malalaman kung estudyante ka rito?”

“May notebook naman ako dito, Kuya.”

“Hindi pa rin puwede, Sir. Malay ko ba kung sa ’yo talaga ’yan.”

Seryoso? Ngayon pa talaga ako natapat sa mahigpit na guard? Sumulyap ako muli sa aking relo. Isang minuto. Kung tatakbuhin ko ang kabilang gate, hindi na ako aabot.

“Kuya, sige na. May special exam ako ngayon. Baka pwede naman—”

“Sorry talaga, Sir. Sumusunod lang tayo sa protocol.”

At nasa protocol niyo rin ba mawalan ng puso? Ilang beses ko pa ulit sinubok makiusap, hanggang sa ayaw na niya ako pansinin. Hindi na ako nagbalak makipagtalo pa. Umalis ako. Tumingala sa langit. Marami ako gustong itanong — o isumbat — subalit ang naibulong ko lamang ay “Bakit?”

Nawala na ang pag-asa. Parang lumalakas ang lahat ng tunog sa aking paligid. Parang lahat ay naririnig ko nang maiigi: ang patak ng ambon, ang mabilis kong pulso, ang pagtulo ng malalamig na butil ng pawis mula sa aking noo. Muling sulyap sa relo . . . isa . . . dalawa . . . tatlo . . . apat . . . lima. Tapos na ang paglilitis. Tapos na ako. Walang himalang nangyari.

Paano ko sasabihin kay Mamsi na hindi na estudyante ang anak niya? Paano ko sasabihin sa bisor ko na kailangan ko pa ng trabaho? Paano ko sasabihin kay Mica na kailangan ko siya ngayon, higit kanino man? Sa dami kong nais sabihin, may makikinig pa kaya?

Sana buhay pa si Papsi. Sana hindi ko iniwan si Mica. Sana pumasok na lang ako sa trabaho. Sana. Pero wala na akong tatay. Wala na akong nobya. Wala na yata akong trabaho. At ngayon, wala na rin ako sa unibersidad.

Kumidlat, at maya-maya, ang ambon ay muling naging malakas na ulan. Nagyelo ang mundo. Naging manhid ang pakiramdam. Ang tanging mainit lamang ay ang luha na nangingilid sa aking mga mata. Salamat sa ulan, at itinatago niya ang bawat patak, ang pag-iyak, ang lahat ng kahinaan. Walang makapapansin sa gumuguho kong mundo.

At dumilim ang paligid. Patuloy pa rin ang pagbagsak ng ulan, ngunit hindi na ako nababasa. Mula kasi sa kawalan, may payong na biglang sumilong sa akin.

“Gusto mo bang magkasakit?” tanong ng may-ari ng payong.

Napangiti ako. Na-miss ko ang malambing niyang tinig. Na-miss ko ang kanyang pag-aalaga. Na-miss ko si Mica. Mahal ko si Mica. Mahal na mahal. Agad ko siyang niyakap, at kahit ayaw kong umiyak, ibinuhos ko lahat, isinabay ko sa ulan.

“O bakit? Anong problema?” tanong niya na parang wala akong kasalanan sa kanya, na parang hindi ko siya iniwan, na parang tinanggap niya ako muli sa kanyang buhay nang walang pag-aalinlangan.

Kahit nahihiya, tumingin ako sa kanyang mga mata. “Sorry. Hindi ako umabot sa test. Sayang effort mo.”

At napahalakhak siya. Matamis ang tawa. Nakapagtataka. “Baliw ka! Wala si Sir Alfonso. Hindi nakapasok kasi may trangkaso.” Patuloy ang kanyang pagtawa.

At ako, sa isang iglap, muling nabuhayan ng loob, mistulang natanggalan ng tinik sa lalamunan, muling napuno ng pag-asa. Akalain mo ’yon. Tinanong ko ang langit kanina; sinagot Niya ako sa paraang hindi ko inaakala.

Silong-silong ng payong, hinalikan ko sa noo si Mica, at pagkatapos ay mahigpit ko siyang niyakap, sa gitna ng malakas na ulan. Tumingala muli ako sa langit, at bumulong ng “Salamat sa himala.”

* * *

Isang segundo para humiga sa kama.

Isang segundo rin lamang ang kailangan para ipikit ang mga mata. Sa pagtulog, baunin ang lahat ng magagandang ala-ala patungo sa panaginip, at matuto sa mga hindi magandang nangyari sa maghapon.

Binigyan Niya tayo ng 86,400 segundo sa araw-araw. Ilan ang binigay natin para magpasalamat?

Araw-araw tayong nahihimbing ng anim hanggang walong oras sa ating higaan, at sa bawat segundong iyon, ang ating mga katawan ay bukas sa panganib at walang kalaban-laban. Hindi ba’t isa nang himala ang pagmulat pa lang ng ating mga mata sa bawat pagsapit ng panibagong umaga? Kaya’t huwag nating kalimutan na magpasalamat sa Kanya. Huwag tayong magdalawang-isip sa kanyang probidensiya.

Dahil ang bawat segundo ay isang himala.

 

Halloween na naman. Saan kaya nilalagay ng manananggal ‘yung mga kinakain niya?

Quote  —  Posted: October 29, 2016 in TOTS
Tags: , , ,

Banyuhay

Posted: October 27, 2016 in Makata-kuno
Tags: , , , ,

Magsisimulang gumising

ang uod mula sa kanyang

itlog na wala namang punlo.

 

Hahanapin ang kututuran

sa umiikot na kalikasan.

 

Kakain at mahuhulog,

pipilitin bumangon at

lalamon; mahuhulog —

 

Muli. Unti-unti

ay malilinawan.

 

Mabubusog hindi

lamang ang tiyan kundi

pati na rin ang isipan.

 

Ang kaalaman.

Ang kamalayan.

 

Mag-iipon ng sapat

na panahon, ng lakas

ng loob.

 

Pagbibigyan ang

panibagong yugto ng buhay.

 

Bilang utang ay paninindigan

ang responsibilidad. Magbata,

magtiis — mangarap.

 

Sa kukun magkukulong,

magsasayang ng panahon

sa dilim at kalungkutan.

 

Magninilay-nilay sa

pag-usbong.

 

Magbubulay-bulayan sa

kawalang-katiyakan ng

pagbabalik ng buhay.

 

At hindi na nga

magbabalik.

 

Mamamatay ngunit hindi

mawawalan ng pulso. Hahakbang

sa bagong baitang —

 

Kahit hindi na muling

lalakad.

 

Patuloy na kakain;

hindi na muling

mahuhulog.

 

Sa pagdampi muli ng

liwanag sa paningin,

 

Isisilang ang

kakaibang kagandahan,

natatanging misteryo.

 

Isang nilalang na

patunay ng purong kagalakan.

 

Magpupugay ang mga

bulaklak, habang nakaabang

ang mga palaka.

 

Magsasaboy ng ngiti sa

buong kalikasan.

 

Mataas man ang

lipad, subalit

dadapo pa rin sa lupa.

 

Kaya’t walang makalilimot

sa pagaspas ng paru-paro.

 

Fact You, Life.

Posted: October 11, 2016 in Kung anu-ano lang . . .
Tags: , , , , ,
  • It doesn’t mean that if you always do good things and be good all the time, life will always turn out well for you.
  • Same with relationship. Sometimes, the one you love the most is the one who never loves you at all.
  • People, mostly, are separated by race, gender, and religion.
  • Man is a perfect creation; so perfect that we are also perfect in being stupid.
  • Most of us always take life for granted.
  • And we always give importance to those things that are not really important.
  • Always wasting our resources to strengthen our forces for war, and seek life outside of this planet full of life.
  • Love is underrated.
  • We are born to die.
  • We cannot insert the USB to the port properly. Sometimes, we still cannot do it for the second time; and worst, for the third time.

Paru-Paro ng Lansangan

Posted: June 11, 2016 in Maikling Kuwento

Hindi ko alam kung sa’n ka galing at bakit ka pa nabuhay. Pero alam ko kung ano ang pangalan mo.

Pilit kang lumalapit sa ’kin, ewan ko ba. ’Di ko alam kung may nais ka bang ibulong. O nagtatangka kang makipagkaibigan, ano? Kasi ako — kung marunong ka magtanong — ayaw ko. Ayaw kong humihilig ka sa aking balikat, o sumasandal sa aking likod, o humahawak sa aking mga binti’t braso. Basta, ayaw ko. Pasensya ka na, pero hindi naman ako suplado, at lalong hindi ako galit sa iyo; naiinis lang ako kapag nand’yan ka. Magkaibang bagay ’yon.

Subalit nito lang, napagisip-isip ko na pareho nga lang pala tayong nabubuhay sa ilalim ng iisang araw. Pareho rin tayo ng pangangailangan: kung magutom ay kumain, kung mauhaw ay uminom. At dahil sa pagsisikap mong mapalapit sa akin, napagtanto ko na katulad ka pala ng aso ko, na kahit bugawin at batuhin, ay pilit bumabalik upang mahawakan lamang ako.

Pasens’ya ka na at naihalintulad kita sa aso kong bobo. Pasens’ya ka na rin sa mga pagkakataong nababato kita ng tsinelas (na hindi naman tumatama), dahil sa pagkagulat minsan sa biglaan mong pagsulpot. Nakalimutan kong mayroon nga rin palang tsinelas sa langit na nakaambang tumapak sa akin anumang oras. Kaya nga lang, hindi siya tao; higit na mas malawak ang pang-unawa niya kaysa sa mga katulad ko. Kaya malas mo, dahil tao lamang ako, na padalus-dalos madalas, at patuloy na nabubulag sa paniniwalang kami ang pinakaimportanteng nilalang sa mundo. Pasens’ya na rin kung madalas magsigawan ang barkada kapag dumarating ka. Hindi sila galit, maniwala ka. Ayaw lang nila sa ’yo. Kitams? Hindi lang ako ang may ayaw sa iyo.

Naunawaan ko man ang iyong sitwasyon at kalagayan, ang iyong pag-iral, patawad dahil hindi ko pa rin kayang makipagkaibigan sa tulad mo. At isa pa rin ako sa mga tatakbo at magbabato ng tsinelas mapalayo lang sa ’yo. Pero pampalubag-loob: kalilimutan ko na ang iyong pangalan. Simula ngayon, tatawagin na kita sa bansag na Paru-paro ng Lansangan.

Pasalubong

Posted: February 28, 2015 in Maikling Kuwento
Tags: , ,

Magdamag akong nakatingin sa bintana ngayong araw. Binabantayan ko ang orasan na matagal nang nakasabit sa aming dingding. May nakapagsabi kasi sa akin na may darating na pasalubong. Paulit-ulit lang naman ang takbo ng oras, pabalik-balik lang sa mga numero ang dalawang kamay na tila nagpapaunahan sa walang katapusang karera. Minsan, naisip ko na sana ay orasan na lamang ako, o kahit man lang maliit na relo: nasa isang lugar lamang, minsan ay nakasabit lang sa kamay ng tao; hindi napapagod, hindi nag-aalinlangang magpatuloy at tumakbo.

Ako ang kabaligtaran ng kinaiinggitan kong orasan — mahina, wala nang ganang tumakbo at magpatuloy sa buhay. Sa isang bagay lang yata kami magkapareho — sa pagiging mag-isa.

Ilang taon na rin akong mag-isa. At sa kasamaang palad, hindi ko alam kung bakit. Nakalimutan ko ang dahilan simula nang marinig ko ang paparating na pasalubong. Siguro maaalala ko rin naman ang dahilan bago matapos ang araw na ito. Medyo naiinip na nga ako, e. Maghapon na kasi akong nakaupo sa isang sulok at nakatitig sa orasan na kanina pa tumatakbo. Nasasabik na ako sa pasalubong na parating. Hindi ko rin alam kung bakit.

Ilang sandali pa, nakarinig ako ng mga yapak — yapak na nagpalabas ng ngiti sa aking labi. Sigurado akong siya ang magdadala sa akin ng pasalubong. Agad kong inialis ang aking mga matang maghapon na nakapako sa orasan upang lingunin ang aking bisita. Bumungad sa akin ang isang matandang lalaki na nakasuot ng mahaba at napakaputing damit.

Malaki na nga yata talaga ang mga butas sa pintuan ng aking tahanan. Nakapasok siya nang hindi ko pinagbubuksan. Nakalimutan ko kasing ipagawa ang pinto sa karpintero na madalas nakabantay sa tapat ng bahay ko.

“Ikaw ba ang may dala ng pasalubong para sa akin?” nasasabik kong tanong sa kanya.

Tumango siya, ngunit mukhang labag sa kanyang kalooban ang paghahatid dahil sa matamlay niyang mukha at pilit na ngiti. “Oo, ako nga,” mahina niyang sabi.

“Ngunit wala naman ako nakikitang dala-dala mo,”

“Ibang pasalubong ang hatid ko sa iyo,” sagot niya.

“Ano?” tanong ko nang may pagkasabik.

Pero hindi niya ako sinagot. Ipinatong niya lamang ang kanyang kanang kamay sa aking ulo na wala namang buhok, at bumulong ng mga salita na sa palagay ko ay matagal kong hindi narinig sa mahabang panahon. Wala man akong maintindihan sa kanyang mga sinasabi, pakiramdam ko’y nagbibigay ito ng kapayapaan sa akin sa kanyang bawat bigkas.

Nakarinig akong muli ng mga yapak. Huminto sa pinto ang dalawang lalaki na kamukha ng karpintero na nakabantay sa tapat ng bahay.

“Sino sila?” tanong ko.

“Sila ay aking mga kasama,” sagot sa akin ng nakaputing lalaki.

“Sila ang may dala ng pasalubong?”

Tumango siya. “Ano ba ang gusto mong pasalubong?”

“Kahit ano?”

“Kahit ano,” sagot niya.

Napangiti ako, at matagal napaisip.

“Wala ng oras. Kailangan mo nang sabihin sa akin ang iyong kahilingan,” pagpapaalala niya.

Gusto ko sanang kumain ng cheeseburger sa Mcdo, o di kaya ay isang box na lamang ng pizza sa Shakey’s — matagal na kasi akong hindi nakatitikim ng mga ‘yon — kaso wala na raw oras.

Biglang may lumaylay sa kanyang bulsa: isang kwintas na gawa sa pilak, at sa dulo nito ay nakasabit ang isang krus na kumikinang sa ganda. Sa oras na ito, alam ko na kung ano ang aking kahilingan.

“Maaari bang sa akin na lang ang iyong kwintas?” tanong ko.

Napangiti ang lalaking nakaputi. Kinuha niya sa kanyang bulsa ang kwintas na gawa sa pilak. “Ito na ba ang gusto mong kahilingan?”

Tumango ako. “Opo,”

Laking tuwa ko nang isinabit niya ang kwintas sa aking leeg.

“Gusto mo bang sumama sa aking mamasyal?” tanong muli ng nakaputing lalaki.

Hindi na ako tumanggi, tanda ng aking pagpapasalamat.

Tumayo ako at lumakad. At masaya sa natanggap na regalo.

Binuksan ng karpintero na nakabantay sa tapat ng bahay ang butas-butas na pintuan. Matamlay ang kanyang mukha. Tanging tapik sa balikat ang bati niya sa akin.

Kasunod ko ay ang lalaking nakaputi, at ang dalawa niyang kasama na mukha ring karpintero.

“Saan tayo pupunta?” tanong ko sa nakaputing lalaki.

“Sa dulo ng kalye,” sagot niya.

Mahaba ang kalye ngunit ayos lang. Ang hindi ko maintindihan, lahat ng kapitbahay ko ay naghihiyawan. Hindi ko sila maintindihan. At ayoko rin silang pansinin. Ang importante ay mamamasyal kami ng aking mga bagong kaibigan.

Narating namin ang dulo ng kalye. Pumasok kami sa isang pintuan, butas-butas din na katulad ng pinto sa aking tahanan. Bumungad sa akin ang isang silya, at pinaupo nila ako roon.

“Bakit ako lamang ang pinaupo ninyo? Kayo ba ay walang balak magpahinga?” pagtataka ko.

Hindi nila ako sinagot, mistulang hindi ako narinig.

Itinali nila ang aking dalawang kamay sa silya. At tinakpan ang aking ulo. Madilim, pero presko. Alam ko na ang gusto nilang mangyari: gusto nila akong makatulog ng mahimbing. Siguro, alam nilang napuyat ako sa paghihintay sa pasalubong.

“Maraming salamat sa pasalubong kaibigan,” sabi ko sa nakaputing lalaki – na hindi na nakikita ng aking mga mata.

“Magpahinga ka na kaibigan,” sagot niya.

Tumahimik ang paligid. Hindi ko man nakikita, alam kong nasa paligid ang orasan. Naririnig ko ang pagkumpas ng kamay nito kasabay ng mga salita kanina na nagbibigay kapayapaan kahit hindi ko maintindihan.

Pakiramdam ko ay malapit na akong makatulog.

Hindi ko pa rin alam ang dahilan kung bakit ako nag-iisa noon.

Siguro, maaalala ko na ‘yon paggising ko.

Basta ang alam ko, masaya ako sa natanggap kong pasalubong.