Malas

Posted: November 28, 2018 in Maikling Kuwento
Tags: , ,

 

07:16am

“Putangina talaga,” bulong ni Arnold.

Hindi naman talaga palamura si Arnold. Sino ba kasi talaga ang hindi mapapamura kapag tatlong araw ka nang walang naaabutang almusal tuwing umaga? Bukod sa tubig, ang nagiging kape’t pandesal niya sa araw-araw ay ang sigawan ng nanay at tatay niya. Pero mas malala ang araw na ’to, kasi kailangan niyang mag-concentrate; kailangan niyang magfocus dahil may interview siya sa isang call center mamaya.

“Putangina,” bulong niya, mas malakas sa una.

Sino bang hindi mahahawa, e mas malakas ang pagsigaw ng putangina ng nanay niya mula sa kusina. Ang tatay niya, ayun, lasing . . . na naman. Malakas ang hilik. Walang pakielam sa mundo. Nasanay na lang sa malakidlat sa bilis na sermon ng kanyang asawa habang nag-i-screamo. Kumbaga, kung musika ito, ang genre — rap metal.

Paikot-ikot lang si Arnold sa makipot niyang kuwarto. Atras-abante. Di mapakali kahit hindi naman natatae. Punas nang punas ng pawis gamit ang tuwalya sa kanyang balikat na isang taon na yata niyang hindi pinapalitan. Kabado, e. Pilit niya kasi kinakabisado kahapon pa ang linyahan niya kapag inutusan siya ng interviewer ng “Tell me about yourself.” Sabagay, lahat naman ng first time, nakakanerbiyos naman talaga.

“Basta confident ka sumagot okay na sa kanila yun,” sabi ng nagrefer sa kanya sa trabaho.

Kung alam niya lang sana na wala naman talagang intensyon tumulong ang nag-refer sa kanya. May commission lang kasi ito sa company kapag na-hire siya.

“Ano ba mga tanungan do’n?” tanong ni Arnold. Kabado. Kasi clueless, e. Parang feeling mo ang itatanong sayo ay Chinese at Korean kahit alam mo naman na English.

“Tell me about yourself.”

Hindi iyon tanong kundi utos na kailangan niya sundin. Mukhang kumplikado. Mas mahirap sagutin ang mga pangungusap na hindi naman nagtatapos sa question mark. Pero may sagot. Dapat may maisagot. Kahapon niya pa pinaghahandaan ang utos na ’yon —

Tell me about yourself.

Ang dami niyang naiisip na sagot. Balak niya pa nga ikuwento na madalas isang beses na lamang siya kumakain sa isang araw. Balak niya rin ikuwento na natigil siya sa pag-aaral dahil sa ganito, dahil sa ganyan. At balak niya rin ikuwento na nagbalak siya magpatiwakal dahil sa hirap ng buhay. Basta lahat ng kadramahan niya sa buhay gusto niyang isiwalat. Ang hirap na nga mag-ingles, magda-drama pa. Ang hindi niya alam, kailangan lang naman niya ibenta ang sarili niya. Kailangan niya lang magyabang nang kaunti. Kailangan niya lang sabihin na may itinatago siyang super powers. Kasi ang totoo, walang pakielam ang interviewer sa lahat ng hinanakit mo sa buhay. Hindi sila foundation na nagbibigay lang ng trabaho sa mga mahihirap. Wala silang pakielam kahit cancer survivor ka pa dati noong past life mo bago ka ni-reincarnate. Ang kailangan nila, yung confident. Yung may skills. Yung alam nilang tatagal sa trabaho at magpapaalipin. Mas gusto nga nila college level lang, at hindi college graduate (para same production, less pasahod). Yung may attitude na alam nilang kahit murahin nang murahin, e hindi magreresign sa trabaho. Mas may pag-asa pa yata siya kung ang isasagot niya agad ay “I have an ability to become a slave that you can curse and humiliate anytime you want.”

 

8:15am

“Putangina,” sabay palatak. Wala pa kasing tubig sa banyo. Kailangan niya pa mag-igib sa kabilang kanto. Malas.

“O, may interview ka ngayon, ’di ba?” tanong ng tatay niyang halata pa ang muta sa mga mata, supa-supa ang yosi sa bibig habang nagbubukas ng zipper para bawasan ang paputok nang pantog.

Hindi sumagot si Arnold. Banas. Nakatingin lamang sa baldeng walang laman.

“O, ako na mag-iigib sa labas. Plantsahin mo na muna polo mo sa taas.”

Tama ’yan, nang magkasilbe ka naman, isip-isip ni Arnold.

 

09:38am

Putangina.

Naligo si Arnold, subalit ang lagay, e mukhang hindi siya nagpunas o nagpatuyo man lang. Tagaktak ang pawis. Halu-halo ang amoy ng mga taong ang sarap pakuluan sa tawas. Nagsisisi siya na sa PNR pa siya sumakay papuntang Makati.

Malas.

ANO? PGKTAPOS MKO BUNTISIN DI KNA MGPAPRAMDM SAKN? SAGUTIN MO TAWAG KO. PAKALALAKI KA NAMAN.

GAGU KA ARNOLD BALOJA.

Maghintay ka lang, Babe. Kapag natanggap ako, ikaw ang unang makakaalam.

Malas? Sa pagkakataong ito, hindi alam ni Arnold kung kamalasan o biyaya ang nangyare. Basta ang alam niya, hindi pa siya handa. Hindi pa niya kaya maging ama. At ayaw aminin sa sarili na hindi pa niya kayang magpakalalake. Malalaman niya kung magiging lalaki lang siya pagkatapos ng One-day-hiring-process-no-lunch-but-unlimited-coffee sa call center mamaya.

 

10:46am

“Sir Arnold Baloja. Please proceed to Room 2B.”

Putangina ’eto na, pananakot ng puso niyang gustong kumawala sa kanyang mga tadyang nang marinig niya ang boses ng HR at ang pangalan niya.

Halos kalahating oras din siya naghintay bago matawag. Naghintay pa kasi ang HR ng mga makakasabay niya sa pagkuha ng test. Nakaupo lang siya sa isang sulok habang pinapanuod ang labas-pasok na mga call center agents. Kabado, oo, pero at the same time, excited. Naiisip niya kasi kung ano ang una niyang bibilhin sa unang sahod niya. Cellphone. Second-hand laptop. Vape. Bagong T-shirt. Bagong Sapatos. O ipachi-check-up si Babe.

Gusto niya i-approach ang mga katabi niya na naghihintay rin matawag, subalit mas pinili niya na lang manahimik. Mas lalo kasi siya nangamba nang mapansin niyang siya lamang ang naka-formal sa waiting area. Lahat ng kasabay niya, makikitaan ng pagkarebelde sa fashion protocol: may nakadreads, may puro tattoo, mayroong mga may piercings sa mukha, at may babaeng kalbo na mukha namang walang kanser. Feeling niya, isa siyang alien; naka long-sleeves na polo, naka-black shoes at black na slacks, naka-hard leather belt, nakapomada ang itim na itim na buhok. Parang anytime, hihingi siya ng abuloy at maghahatid ng magandang balita.

Nasa kinseng-katao rin ang kasabay niyang tinawag para pumasok sa Room 2B. Sa pagpasok, agad silang pinapili ng kanya-kanya nilang computer. Pu’nta agad si Arnold sa dulo, PC16. Iyon ang napili niya hindi dahil mas feeling safe sa dulo, kundi dahil number 16 ang monthsary nila ni Babe. Baka suwertihin daw.

“Okay applicants,” babala ng accessor na hinugot sa lupa ang boses dahil sa sobrang lalim pero very fluent sa ingles, “the first test is consisting of two parts. First part is fifteen items. There is a questionnaire, provided via PDF file, and you must answer all the questions in 8 minutes. This will test the speed and accuracy of your searching skills on the internet.

“Second part is a typing test. The source of the test is in a website, already pre-set on your internet explorer for your convenient time. You must achieve 28 words per minute to pass the examination.

“Good luck, and timer starts . . .

“Now.”

Putangina. Hassle.

Mahilig naman sa computer games si Arnold kaya alam na alam din niya ang pasikot-sikot sa internet. Madali lang ang test kay Google lalo pa’t multiple choice naman ang nakalagay sa questionnaire. Mabilis din siya mag-type; nahasa kaka-trash talk niya sa Dota. Nakapagtataka nga dahil kakaumpisa pa lang naman at mukhang bakit siya lamang ang gahol na gahol kakapindot sa keyboard. Ang kanyang keyboard lamang ang maririnig na pumipitik.

Hindi sa kagustuhang mangopya, dala lamang ng kuryosidad, napatingin siya sa computer ng katabi at “putangina” — buka ng kanyang labi, walang tunog — naliwanagan siya sa misteryong nagaganap. Bakit nga naman kasi mano-mano ang pag-type niya sa keyboard ng mga dapat niyang i-search kung pwede naman i-copy paste. Number 14 na si Arnold nang madiskubre niya ang madiskarteng teknik.

Bawi nalang sa pangalawa, pota.

Unti-unti nang umiingay ang pitik ng mga keyboard nang magsimula ang typing test. Maraming iling nang iling nang muling matagpuan ang kahinaan sa computer. Mayroon namang animo’y hacker kung makapindot sa sobrang bilis. Si Arnold, iniisip na lang ang mga araw na nakikipagpalitan siya ng mga malulutong na mura sa mga kalaro sa Dota.

Natapos ang oras. Natapos ang exam. Nag-announce ang accessor. Nakapasa si Arnold. 13/15 sa unang parte. 35 words per minute naman sa ikalawa.

One down.

Ngiti.

 

02:37pm

Putangina.

Nakakain na lahat-lahat si Arnold pero hindi pa rin siya tinatawag. Ilang oras na ang lumipas. Nag-iisip na nga siya kung natawag na ba siya nang kumain siya kaninang tanghalian. Baka nalagpasan na ’ko, a.

Pero hindi. Huwag magtatanong. Maghintay lang, kasi ganoon ang mga professionals — naghihintay lang ng pagkakataon.

Inisip niya na lang, magandang pagkakataon ito para makapag-praktis pa ng isasagot . . . para mag-overthinking. Ang balita niya sa mga nakasama kanina, at sa mga pangatlong beses na nagre-retake ng exam, ang susunod daw ay interview. Marahil ang pinakahihintay niyang Tell Me About Yourself.

Kaya ko ’to.

 

05:02pm

Putangina tala—

“Mr. Arnold Baloja, please proceed to room 303,” nakangiting sabi ng HR sa kanya. Hindi na niya naituloy ang paborito niyang mura ngayong araw.

Huminga nang malalim si Arnold bago pumasok sa kuwarto. Nanlalamig ang mga kamay. Namumutla. Walang kulay ang mundo.

Maraming cubicle sa loob, mistulang nagkalat na mga bagon ng Ferris Wheel (kuwadrado nga lang). Mayroon siyang kasamang dalawang aplikante sa cubicle kung saan siya ibinilang ng accessor.

Isa-isa silang inabutan ng papel. “Please read the essay, and I will be back after ten minutes.” Lumabas ang accessor sa cubicle.

Walang kulay ang mundo.

Nasa’n na ang putanginang Tell Me About Yourself?

Akala ni Arnold, hindi niya lang narinig, pero hindi lang talaga dumating ang tanong na matagal niyang pinaghandaan. Ito na yata ang pinakamatinding betrayal na naranasan niya sa buhay.

What now? Pota.

Proposed Ergonomical Solutions: pamagat ng essay na napunta sa kanya. Pamagat pa lang, wala na siyang maintindihan. Wala na siyang laban. Putangina, anong ergonomical na pinagsasabe? Katulad sa unang pagsusulit, sumilip na naman siya sa papel ng katabi — hindi pare-pareho ng paksa. Mas lalong nalintikan. At lumipas ang sampung minuto na wala siyang maintindihan. Labas-pasok lamang sa kanyang ulo ang bawat salita sa bawat pangungusap. Parang sa sandaling iyon, nalimutan niya ang abilidad na magbasa at umunawa. Sa loob ng sampung minuto, nakinig lang siya sa ingay ng pagbabasa ng mga katabi, parang mga tumatawag ng pusa, bumubulong.

At bumalik ang accessor . . .

“Let’s start with you, Mr. Baloja.

“Tell me something about the essay.”

 

07:45

Malas.

Putangina, madiin niyang bigkas. Hindi siya nakapasa. Paanong papasa, hindi naman siya nakasagot. Para siyang bata na pautal-utal; parang bata na nag-aaral pa lamang magsalita nang sumagot siya sa accessor.

E, putangina, anong tell me something about the essay, e traydor ’yang ergonomical shit.

Walang kulay ang mundo. Balisa si Arnold. Naglalakad sa gilid ng mga nagtataasang building sa Makati, patungo sa riles ng tren, pabalik sa tahanang ayaw na niyang balikan. Kasabay niya ang mga taong hindi rin makikitaan ng sigla sa mukha. Patay. Parang zombie — bumabangon na lang para magtrabaho. Umuuwi para matulog. Nabubuhay para makaraos. Ang ipinagkaiba nga lang ni Arnold sa kanila, siya, walang trabaho; walang inuuwing kuwarta sa pamilya; walang inuuwing pag-asa.

SORRY BABE

Sending . . .

Message Sent

Nangilid ang luha sa mga mata ni Arnold pagkatapos ipadala ang mensahe; dalawang salita na hindi literal ang kahulugan; mga salitang kailangan suportahan at dagdagan upang magkaroon ng kahulugan. Paano dadagdagan? E wala na nga. Bagsak. Kahit suportahan, at bigyan ng malawakang paliwanag, wala rin. Dahil wala rin naman magbabago. Wala pa rin siyang kapag-a-pag-asa. Wala pa rin siyang silbe. Wala na rin siyang kwentang ama katulad ng kanyang ama.

Putangina, anong iniiyak-iyak mo Arnold? Parang hindi ka naman sanay. Kailan ka ba hindi dinapuan ng kamalasan?

Nakatingin sa lupa habang naglalakad. Lutang.

Lakad.

Lutang.

Lakad.

Lutang.

Lakad.

At dahil nga lutang, hindi niya nakita ang berdeng traffic light. Hindi niya narinig ang busina ng SUV . . .  at ang sunod-sunod na sigawan ng mga tao. At hindi na niya maramdaman ang sarili. Literal.

 

09:01pm

Tuluyan nang bumagsak ang luhang kanina’y nangingilid lamang sa kanyang mga mata.

Hindi maigalaw ni Arnold ang buo niyang katawan. Nakatingin lamang siya sa pulang kalangitan. Nakikinig lamang sa mga bulungan, chismisan, simpatya ng mga taong nagkukumpulan sa kanyang kinaroroonan.

Alam niyang buhay siya. At alam niyang mabubuhay siya. At sa unang pagkakataon sa araw na ito, naramdaman niyang mas may malas pa pala sa kanya . . . dahil siya’y nabuhay.

Putangina. Malaki babayaran mo habambuhay, di mo na lang ako pinatay.

 

 

 

 

“ The two most important days in your life are the day you were born and the day you find out why.”

– Mark Twain

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s