Magsisimulang gumising
ang uod mula sa kanyang
itlog na wala namang punlo.
Hahanapin ang kututuran
sa umiikot na kalikasan.
Kakain at mahuhulog,
pipilitin bumangon at
lalamon; mahuhulog —
Muli. Unti-unti
ay malilinawan.
Mabubusog hindi
lamang ang tiyan kundi
pati na rin ang isipan.
Ang kaalaman.
Ang kamalayan.
Mag-iipon ng sapat
na panahon, ng lakas
ng loob.
Pagbibigyan ang
panibagong yugto ng buhay.
Bilang utang ay paninindigan
ang responsibilidad. Magbata,
magtiis — mangarap.
Sa kukun magkukulong,
magsasayang ng panahon
sa dilim at kalungkutan.
Magninilay-nilay sa
pag-usbong.
Magbubulay-bulayan sa
kawalang-katiyakan ng
pagbabalik ng buhay.
At hindi na nga
magbabalik.
Mamamatay ngunit hindi
mawawalan ng pulso. Hahakbang
sa bagong baitang —
Kahit hindi na muling
lalakad.
Patuloy na kakain;
hindi na muling
mahuhulog.
Sa pagdampi muli ng
liwanag sa paningin,
Isisilang ang
kakaibang kagandahan,
natatanging misteryo.
Isang nilalang na
patunay ng purong kagalakan.
Magpupugay ang mga
bulaklak, habang nakaabang
ang mga palaka.
Magsasaboy ng ngiti sa
buong kalikasan.
Mataas man ang
lipad, subalit
dadapo pa rin sa lupa.
Kaya’t walang makalilimot
sa pagaspas ng paru-paro.