44

Posted: February 12, 2015 in Maikling Kuwento
Tags: , ,

Malakas ang putukan, ngunit hindi ako nabibingi. Marahil ay sanay na nga ako.

Kasabay ng mga ibong lumilipad na nabulabog ng aming mga baril, ay ang mga bala na nagsasalubong at maaaring umubos sa aming grupo.

“Retreat!” malakas na sigaw ni Kumander. Paubos na kasi ang karga ng aming mga sandata.

Putok. Atras. Putok. Atras. Paulit-ulit lang ang ginagawa namin habang tumatakbo ang aming mga paa.

Habang lumalayo, hindi ko namalayang isa-isa na palang tumutumba ang aking mga kasama. Hindi ko man lang sila magawang lingunin dahil nakapokus sa kalaban ang aking mga mata. Gayunpaman, hindi ako natatakot. Hindi ako susuko. At patuloy akong makikipaglaban.

Ako pa! Sa tapang at lakas ng loob ay hindi yata ako mauubusan. Sanay yata ako sa pakikipagsapalaran!

Ngunit bigla akong kinabahan nang mapansin ko ang biglaang katahimikan. Oo. Marahil ay hindi na nga ako sanay sa katahimikan dahil hiyang na sa malalakas na putukan. Hindi ko na marinig ang mga utos ni Kumander, at hindi na bumubuga ang baril na aking tangan-tangan. Wala na ako magawa kundi dumapa at maghanap ng mapagtataguan, gumapang at iasa ang aking buhay sa matataas na tanim dito sa malawak na maisan.

Napatigil ako sa paggapang nang makita ko si Pengpeng, ang pinakamaliit kong kasamahan. Buhay pa naman, subalit malabo na yatang makatayo dahil sa malala niyang tagiliran. Kinamusta ko ang lagay niya ngunit hindi niya ako pinansin. Nakangiti lang siya sa hawak niyang litrato at nais akong maging tagapakinig sa kanyang mga sasabihin.

“Pare, misis ko nga pala at ang dalawa kong anak,” hirap niyang sambit. “Sigurado akong pag-uwi ko sa amin ay yayakapin nila ako ng mahigpit,” pagpapatuloy niya.

Kasabay ng kanyang kuwento ay ang pagtangis, paghiyaw, pagmamakaawa at paghingi ng tulong ng iba naming mga kasamahan.

. . . at ang mga putok na isa-isang nagpapatigil sa kanilang mga hininga.

Muli kong narinig ang boses ni Kumander, ngunit hindi na utos ang isinisigaw niya. Umaalingawngaw sa paligid ang pagmamakaawa, “Tama na! Tama na!”.

Napaluha ako ngunit walang pag-iyak. Hindi dahil sa matinding takot o kaba. Nagsisisi lang ako dahil hindi ko nadala ang litrato ng aking mag-ina. Nakaiingit naman si Pengpeng. Wala talaga akong kwentang ama.

Bakit nga ba inuna ko pa ang bayan kaysa sarili kong pamilya?

Kamusta na kaya si Junior? Naglalaro kaya siya ngayon ng patintero?

Si misis kaya? Hinihintay na ba ako sa lamesa naming may nakahain na adobo?

Prrrrrrrrrrrrt! Sunud-sunod na ratrat.

Kanina pa pala tumakas ang isip ko sa reyalidad. Kanina pa pala ako wala sa ulirat.

Napatingin ako muli kay Pengpeng, ngunit tahimik na siya; wala nang mukha, at hindi ko na makilala.

Ngayo’y sa akin na nakatutok ang baril na bumaboy sa kanya. Ngunit wala pa rin takot sa aking dibdib o katiting na kaba. Tumingin na lamang ako sa maaliwalas na kalangitan. Ayoko nang lumingon pa sa kanan man o kaliwa. Sa oras kasing ito, mukhang sa langit lang mayroong kapayapaan.

Sa kalangitan, para ko na ring nakita ang pamilya ko bago man lang ako pumikit sa walang hanggang kadiliman.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s