IKAW at AKO at SIYA?

Posted: April 22, 2013 in Makata-kuno

Anong pakiramdam ng isang kabit?

 

IKAW at AKO at SIYA?

 

Sa kalagitnaan ng kaguluhan at kalupitan,

Sa tapat ng maitim at maulap na kalangitan,

Sa mundong ito na puno ng magulong isipan,

Di nawawala ang pag-ibig na makapangyarihan.

 

Pag-ibig na sa’ting bawat  nilalang ay bumubuhay,

Pag-ibig na ginagawa ang mundong maging makulay,

Ang pag-ibig na nagbibigay ng ginhawa at hapdi,

Pinipilit makamtan sa paraang tama at mali.

 

Sa bawat tao na dinaanan ang buhay kong ito,

Maraming nagtatanong, sa pag-ibig ay nalilito,

Sa pagmamahal daw ba ay ano ang tama nilang gawin,

Ang mahal ba nila’y paglalaban o palalayain.

 

Ang tangi kong sagot sa kanilang mga katanungan,

Ang lahat ay depende sa sitwasyon at kalagayan,

Kung mahal mo at mahal ka rin niya ay ipaglaban,

Kung di ka naman niya mahal ay bigyan kalayaan.

 

Ngunit may umusig sa isip na isang katanungan,

Sitwasyong hirap ipaglaban at bigyan kalayaan,

Paano mahalin ang taong mahal mo at mahal ka,

Ngunit may isa pa siyang mahal at ‘yon ang nauna?

 

Masaya ka sa kanya at ganuon din siya sayo,

Ngunit di ‘nyo alam kung anong relasyon meron kayo,

Mahirap ‘paglaban dahil may relasyong masisira,

Ngunit masakit naman sayo kung ‘kay magpapalaya.

 

Alam mo’t alam n’yang masaya kayo sa isat-isa,

Makikita sa mga ngiti kakaibang ligaya,

Parang biyaya sa iyo na siya ay makasama,

Sinisiksik ang ‘yong sarili sa pagmamahal niya.

 

Nangangarap na isang araw ay hagkan ka ‘nyang tunay,

Maglakad sa paraiso habang hawak kanyang kamay,

Tumakbo sa gitna ng ulan habang nagtatawanan,

At yakapin siya sa ilalim ng bilog na buwan.

 

Ngunit di mo alam kung lahat ng ‘yon ay magaganap,

O habambuhay na lamang ganun at isang pangarap,

Pagpapatuloy na lang lahat kahit ganon kahirap,

Dahil ‘gat sila’y wala kang magawa kundi mangarap.

 

Pag sila’y magkasama, naiinis ka’t nasasaktan,

Walang magawa sa bagay na wala kang karapatan,

Walang masising iba dahil ikaw ang may kasalanan,

Malulungkot sa ‘sang tabi, sarili’y kaaawaan.

 

Sa sitwasyon na wala kang magawa’t pagpipilian,

Sa taong di mapalaya at di mo maipaglaban,

Sa tao na masaya ka ngunit ‘kaw ay nasasaktan,

Sa luob-loob ng damdamin, ‘kaw ay nahihirapan.

 

Masaya ka na nakikita mo na parang kayo na,

At kulang na lang sa lahat ay salitang “mahal kita”,

Subalit sa huli ay siya lamang ang magpapasya,

Kung iiwan niya ang una at pipiliin ka.

 

Darating ang isang araw na kayo’y pagpipilian,

Mauunawaan mong pagpili sayo’y suntok sa b’wan,

Dahil sa kanyang sitwasyon ay mahirap din lumaban,

Mahirap isakripisyo naunang pagmamahalan.

 

Lagi mong tatandaang di lamang ‘kaw ang nasasaktan,

Mahirap magpasya sa bagay na di n’ya kasalanan,

Napakapalad mo kung ikaw ang pipiliin niya,

Subalit ang katotohanan ay natatakot siya.

 

Minsa’y iniisip mo na sana’y unang nakilala,

Magkahawak ang inyong kamay, masayang nagsasama,

Ngunit kahit pantay ang pagmamahal sanyong dalawa,

Unawain mong pagpili sayo’y ,malaking problema.

 

Maiisip mo na sa huli, pagdating ng panahon,

Higit kayo sa magkaybigan ngunit walang relasyon,

Magsisisi kang pinili mong mapalapit sa kanya,

Walang salitang “KAYO at nanatili “SILA”.

 

Minsan ang tamang paghihintay ang ating kailangan,

Di sa lahat ng oras ay kelangan mong lumaban,

Matututo ka at unti-unting mauunawaan,

Kalayaan ang tunay na daan sa pagmamahalan.

 

Ang pagmamahal ay di lamang nakakamit sa tama,

Minsa’y gumagawa ng mali upang itoy makuha,

Subalit pag-ibig man ang gustong makuha’t makamtan,

Walang sumayang pag-ibig na nakuha sa kamalian.

 

Basta’t wag kang makikinig sa sasabihin ng iba,

Kapag nagmamahal ka, karapatan mong maging tanga,

Hinding-hindi kasalanan umibig kahit kailan,

Subalit kasalanan mo kung ikaw ay masasaktan.

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s